ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 8, 2024
Sinusuportahan natin ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at ng Department of Education na kailangan nang ibalik sa dating kalendaryo ang pasok sa mga paaralan. Magandang balita ito dahil dapat unahin ang kapakanan at kalusugan ng ating kabataang mag-aaral.
Talaga namang napakainit ng panahon ngayon. Malaking pasakit ito sa mga guro at estudyante, at nakakaantala sa pag-aaral nila. Unahin dapat natin ang kalusugan ng mga kabataan sa paraang hindi masasakripisyo ang edukasyon.
Kung tayong mga nakatatanda, umaaray sa tindi ng init, paano pa kaya ang kanilang murang mga pangangatawan?
Sa ating pagbisita sa maraming lugar para tumugon sa pangangailangan ng marami nating kababayan, nasasaksihan natin kung gaano kalaking parusa, lalo na sa mga musmos, ang tindi na singaw ng dingding at kisame sa mga classroom na wala namang aircon. Kaya nagpapasalamat tayo sa DepEd dahil sa anunsyong pagpapatupad ng asynchronous classes o distance learning sa mga apektadong pampublikong paaralan dahil sa grabeng init ng panahon sa ilang mga lugar.
Habang isinusulong natin na makapag-aral ng maayos ang kabataan, siguraduhin din nating ligtas sila mula sa kapahamakan at banta sa kalusugan lalo na’t sila ang kinabukasan ng ating bayan. Palagi nating tandaan na ang kalusugan ay katumbas ‘yan ng buhay ng bawat Pilipino.
Nito nga lang Lunes, May 6, naitala ng PAGASA ang 50 degrees Celsius na heat index, o ang init na nararamdaman ng ating katawan, sa Clark Airport, Pampanga. Nasa “danger level” na ito at maaaring maglagay sa atin sa peligro, katulad ng heat stroke. Kaya sa aking mga kababayan, huwag maliitin ang init ng panahon, ugaliing uminom ng maraming tubig, at iwasang magbilad sa tirik ng araw.
Bilang chair ng Senate Committee on Health, pinapaalalahanan natin at ng PhilHealth na kung sinuman ang tamaan ng heat stroke, tumaas na nang hanggang P8,450 ang existing package nila upang tulungan kayong magpagamot. Huwag ding kalimutan na puwedeng-puwede kayong kumonsulta sa pinakamalapit na mga operational Super Health Center sa inyong lugar. May mga government hospitals din na maaari kayong magpa-check-up at makahingi ng medical assistance sa mga Malasakit Centers sa inyong lugar. Isinulong natin ang mga programa’t proyektong iyan para ilapit ang serbisyong medikal sa mga Pilipinong nangangailangan nito.
Bukod sa kabataan, ikonsidera rin sana ng pampubliko at pribadong sektor ang pagkakaroon ng adjustments sa oras ng trabaho at pag-aralan ang work-from-home arrangements kung maaari. Bigyan din ng “heat breaks” ang mga manggagawang nakabilad sa araw dahil mas magastos sa lahat kung magkasakit ang mga empleyado dahil sa init.
Lagi rin nating isinasaalang-alang ang ating mga magsasaka. Sa kanila tayo umaasa para sa ating pagkain, pero karamihan sa kanila, isang kahig, isang tuka. Kung maaari nga lang ay bigyan sila ng dagdag na ayuda, sapat na kagamitan at kinakailangang pagsasanay para mas umasenso. Patuloy din tayong nananawagan sa Department of Agriculture na maglatag ng pangmatagalang solusyon sa tagtuyot. Ngayon pa lang, dapat na ring magplano kung paano matutugunan ang mga suliranin na idudulot ng pagpalit-palit ng panahon. Dapat ay lagi tayong one-step ahead.
Huwag ding kalimutan ang ating mga alagang hayop dahil sila ay nasa panganib din sa sobrang init ng panahon. Kung iiwan man sa labas, siguraduhing meron silang sapat na tubig. Bahagi rin sila ng ating pamilya.
Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong nakatutok sa pang-araw-araw na suliranin ng ating mga kababayan upang makatulong sa abot ng aking makakaya, mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino, at mailapit ang serbisyo publiko sa mga nangangailangan nito.
Naging panauhing tagapagsalita tayo sa 48th Founding Anniversary ng Universal Guardians Brotherhood noong May 4 na ginanap sa Marikina Sports Center sa paanyaya ni UGB President Melvin “UGMF ISAAC” Contapay. Dumalo rin tayo sa ginanap na Liga ng mga Barangay - Pangasinan Chapter Provincial Congress sa paanyaya ni Pangasinan LNB President Raul Sabangan noong May 5 na idinaos sa Clark, Pampanga. Ibinahagi ko sa mga pagtitipong ito na iisa ang ating hangarin na makatulong sa mga komunidad dahil bisyo ko na ang magserbisyo sa kapwa ko Pilipino.
Bilang tayo ang chair ng Senate Committee on Sports, sinaksihan ng aking opisina ang opening ceremonies ng Eastern Visayas Regional Athletic Meet sa Ormoc City Sports Complex; gayundin ang Brgy. BF Homes Parañaque Summer League sa paanyaya ni SK Chair Julia Labarda. Ang aking adbokasiya sa sports ay isang simpleng paraan upang ilayo ang kabataan sa ilegal na droga at mahubog sila bilang responsable, disiplinado at produktibong mamamayan.
Kahapon, May 7, bumisita naman tayo sa Cavite at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 2,000 mahihirap na residente ng General Trias City katuwang si Mayor Jonjon Ferrer. Binisita rin natin ang itinayong Super Health Center sa lugar.
Tuluy-tuloy naman ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa krisis. Kasama na rito ang 35 na mga naging biktima ng sunog sa Talisay City, Cebu na ating binigyan ng agarang tulong.
Sinuportahan din natin ang mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 206 residente ng Rizal, Kalinga kasama si Mayor Karl Baac; 500 sa Victorias City, Negros Occidental katuwang si Mayor Javi Benitez; at 53 sa General Trias City, Cavite kasama naman si Provincial Board Member Morit Sison. Ang mga benepisyaryo ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho ng gobyerno.
Napagkalooban din ng tulong ang mga mahihirap na taga-Palawan kabilang ang 1,217 sa Narra katuwang si Provincial Board Member Ferdinand Zaballa; 412 pa sa Puerto Princesa City kasama si Mayor Lucilo Bayron; 912 sa San Vicente kasama si Mayor Amy Alvarez; at 975 sa Bataraza katuwang si Mayor Abraham Ibba.
Kung gaano katindi ang init ng panahon, ganoon din katindi ang aking pagsisikap na maproteksyunan ang kapakanan at kalusugan ng bawat Pilipino. Hindi ko matiis na manatili sa opisina maghapon habang ang ating mga kababayan ay araw-araw na sumusuong sa matinding init ng panahon at nagsasakripisyo para sa kanilang mga pamilya. Hindi dahilan ang matinding init para hindi makarating ang tulong at serbisyo, lalung-lalo na sa mga walang ibang malalapitan kundi ang pamahalaan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
תגובות