ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Enero 24, 2024
Balik-Senado tayo noong Lunes, January 22, para sa pagbubukas ng regular session ng 19th Congress ngayong 2024.
Ngayong Bagong Taon ay patuloy nating isusulong ang ating mga prayoridad na panukalang batas partikular ang para sa kalusugan ng bawat Pilipino bilang tayo ang chair ng Senate Committee on Health, at ng Committee on Sports, gayundin kung paano mapapalakas ang ating pagtugon sa mga kalamidad at sakuna, at kung paano mapapabilis ang paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan na nangangailangan.
Handa rin tayong suportahan ang mga panukalang batas na ihahain ng ating mga kapwa mambabatas lalo na kung sa tingin natin ay malaki ang maitutulong nito sa mga kababayan nating mahihirap, mga hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.
Isa sa magiging usapan sa Senado ngayong taon ay ang isinusulong na pag-amyenda sa ating 1987 Constitution. Pero bago ang lahat, mabuting suriin, pag-aralan at ilatag nang maayos sa publiko kung anong aspeto ng Konstitusyon ang nais na baguhin. Tandaan natin na lahat ng Pilipino ay apektado rito hindi lang ngayon kundi pati ang susunod na henerasyon. Bilang mga lingkod-bayan, isaalang-alang natin parati ang interes ng taumbayan at hindi ang interes ng iilan lamang.
Ang Konstitusyon ay “of the people, by the people, for the people.” Para sa akin, kung ano lamang ang makakabenepisyo sa Pilipino ang dapat isulong dito. Kapag maamoy namin na ang makikinabang dito ay mga iilang pulitiko, hindi ako papayag. Ang makikinabang dapat ay ang ordinaryong Pilipino, hindi pulitiko! At interes ng Pilipino ang dapat unahin natin parati, lalo na ang mga mahihirap.
Sa parte ko, patuloy ang ating paninindigan na kung economic provision ang pag-uusapan, pabor akong silipin ito dahil mahigit 36 na taon na ang ating Konstitusyon at iba na ang ating sitwasyon ngayon. Ngunit huwag dapat itong madaliin, at pag-aralan natin nang mabuti ang economic provisions na maaaring kailangang amyendahan.
Maaaring mas maging malakas ang ating ekonomiya sa pamamagitan ng pagpasa ng mga batas imbes na galawin ang Saligang Batas.
Importante ang ‘checks and balances’ sa gobyerno. Kaya bilang miyembro ng Senado, o ang Mataas na Kapulungan sa dalawang kamara ng Kongreso ng Pilipinas, ipagtatanggol ko kung ano ang makakabuti para sa lahat.
Babantayan natin ang anumang posibleng pagbabago sa ating Saligang Batas.
Proteksyunan natin ang Senado bilang isang mahalagang institusyon, proteksyunan natin ang ating Konstitusyon, proteksyunan natin ang interes ng mamamayang Pilipino.Dagdag pa rito, hindi rin dapat isantabi ang mga gawain ng Commission on Elections para lang madaliin ang People’s Initiative sa pag-amyenda ng Saligang Batas.
Para sa akin, mas prayoridad dapat ang voter registration, lalo na sa mga bagong gustong magparehistro. Isang malayang demokrasya tayo at dapat pangalagaan ang karapatan ng bawat Pilipino na makaboto.Pagdating naman sa People’s Initiative, oo, nirerespeto natin ang karapatan ng bawat botanteng Pilipino na makilahok dito.
Subalit, hindi ako pabor sa uri at anyo ng People’s Initiative na nilalakad sa ngayon, kung saan pawang tinatanggal ang kapangyarihan ng Senado na bantayan ang interes ng bayan. Hindi rin ako papayag kung totoo ang balita na mayroong panunuhol na nangyayari. Dapat tunay na people’s will ang manaig. Wala dapat kapalit o pagpilit sa pagpirma rito.
Kung kaya, sa mga kadahilanang ito, pumirma ako, kasama ang lahat na aking kapwa senador sa isang statement ng Senado na tumututol sa nasabing People’s Initiative na ito dahil isa itong banta sa ating demokrasya.We must protect the Constitution! We must protect the Senate as an institution! We must protect the interest of the people!
We must protect our democracy and the will of the people!
Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang ating paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan.
Dinaluhan ng aking tanggapan, kasama si Councilor Derek Palanca, ang groundbreaking ceremony ng itatayong Cauayan Super Health Center sa Cauayan Health Zone, Sitio Calumpang, Poblacion, Cauayan, Negros Occidental noong January 20.
Noong January 21 ay personal nating binisita ang 38 residente ng Brgy. Quiot, Cebu City na naging biktima ng sunog kamakailan. Inalam natin ang kanilang kalagayan at nag-abot ng tulong bago tayo dumalo sa Sinulog sa Sugbo 2024 sa paanyaya ni Mayor Mike Rama. Hindi kumpleto ang aking araw kung hindi man lang mapupuntahan ang mga kababayan nating nasunugan. Hindi kumpleto ang pagbisita ko kung hindi ako makakapag-iwan ng ngiti sa panahong malungkot ang mga biktima ng sunog habang ang iba ay nagse-celebrate sa Sinulog.
Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para bigyan ng tulong ang mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Natulungan namin ang mga naging biktima ng mga insidente ng sunog gaya ng 47 residente ng Purok Masaya, San Miguel, Puerto Princesa City kasama si Councilor Elgin Damasco; 75 sa Muntinlupa City katuwang naman si Brgy. Chairman Tin Abas; 12 sa Mati City; at tatlo sa Bagumbayan, Lupon, Davao Oriental.Natulungan din natin ang mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 192 sa Tuburan, Cebu kasama si Mayor Aljun Diamante; at 338 pa sa Sta. Teresita, Batangas kasama sina Mayor Boy Seguinal at Vice Mayor Marie Seguinal. Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay pinagkalooban din ng Department of Labor and Employment ng pansamantalang trabaho.
Karapatan, kapakanan at kinabukasan ng bansa ang palagi kong uunahin sa aking mga gawain sa loob at labas ng Senado.
Kaya importanteng mapag-aralan at maintindihan nang tama at lubusan ang anumang panukala lalo na pagdating sa pag-amyenda ng Konstitusyon. Habang pinag-uusapan ito, unahin pa rin natin ang pagserbisyo sa tao at pagtulong sa kapwa sa abot ng ating makakaya.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments