ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 19, 2023
Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) sa mga motorista hinggil sa dulot na panganib ng depektibong sasakyan kabilang ang motorsiklo at accessories nito, partikular ang lighting at brake systems, dahil sa mataas na bilang ng aksidente sa mga nakalipas na araw.
Lumabas ang naturang babala matapos ilabas ng LTO-National Capital Region (NCR), ang bilang ng mga nahuhuling motorista na may mga paglabag sa sira, hindi akma at ilegal na accessories na umabot sa kabuuang 837 sa unang kalahati ng taong ito sa buong bansa.
Ayon pa sa LTO, kabilang sa mga nahuli ang gumagamit ng motor vehicles na may sirang accessories, devices, equipment, at parts na labag sa probisyon ng Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code.
Ang pagmamaneho umano ng motor vehicles na sira o hindi gumagana ang ilang bahagi ng sasakyan ay maaaring magdulot ng aksidente at napakadelikado nga naman na basta na lamang magpapalit ng hindi akmang piyesa.
Nilalaman din ng naturang babala ng LTO-NCR na ang mga sirang headlights, taillights, o turn signals, ay makahahadlang sa visibility, at nakababawas sa abilidad ng drivers na makita ang takbo ng mga sasakyan -- na ang resulta ay tumataas ang posibilidad ng aksidente.
Makahahadlang naman umano ang sirang brake systems o lumang brake pads sa abilidad na agarang huminto ang sasakyan at maaaring magresulta ito sa mas mahabang stopping distances na sa huli ay mas mataas din ang dulot na panganib ng pagkabangga.
Idagdag pa ang depektibong steering mechanisms o suspension components na nakababawas ng kontrol sa sasakyan at nagpapataas ng posibilidad ng aksidente, partikular sa pagmamaniobra o biglaang paglipat ng lane.
Kabilang din sa iba pang safety concerns ang depektibong airbags, seat belts, o child safety restraints; sirang wiring o electrical components at sirang accessories gaya ng busina, wipers, o emergency lights.
Nauna rito, bilang Unang Representante ng 1-Rider Partylist ay nagsumite tayo kamakailan ng panukalang batas o ang House Bill No. 6445 na naglalayong mabigyan ng proteksyon ang ating mga ‘kagulong’ hinggil sa mga piyesang kanilang binibili.
Ito ang, An Act Mandating Retailers of Aftermarket Motorcycle Parts and Accessories to issue Warranties and Reimburse End-User Buyers for Non-compliant Motorcycle Parts and Accessories with Current Land Transportation Office (LTO) Regulations o mas kilala sa tawag na ‘The Aftermarket Motorcycle Parts and Accessories Retail Protection Act’.
Sa pamamagitan ng panukala nating ito ay magkakaroon ng karapatan ang buyer na isauli o palitan ang binili nilang piyesa ng motorsiklo na hindi akma sa umiiral na regulasyon ng LTO hinggil sa motorcycle modification.
Dapat ding tiyakin ng retailers na lahat ng aftermarket motorcycle parts accessories na kanilang ipinagbibili ay pasado sa umiiral na regulasyon ng LTO at tiyaking may kakayahang magkabit ng piyesa ng maayos sakaling hilingin ng buyer na ipakabit na ang biniling piyesa.
Sa bawat piyesa na bibilhin ng buyer ay kinakailangang mag-isyu ng written express warranty na nakasaad ang regulasyon ng LTO kasabay ng resibo at ang retailer ay responsable rin sa pagkakabit ng biniling piyesa.
Sa panahon na masita ng traffic enforcer ang isang rider at makumpirmang ang biniling piyesa ay hindi akma, depektibo o delikado na ikinabit sa isang motorsiklo — ay may karapatan ang buyer na isauli ang naturang piyesa at ang retailer ang sasalo ng pagkalugi kung meron man.
Ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pakikipagtulungan ng LTO ang pangunahing ahensya na magbabantay sa pagpapatupad ng naturang batas at ang DTI din ang responsable sa pamamahala sa lahat ng kahilingan hinggil sa reimbursement ng mga buyer.
Sakaling maging isang ganap na batas ang ating panukala ay maiibsan ang mga aksidente na kadalasang dahilan ay ang mga depektibong piyesa at mga aksesoryang delikado na hindi pasado sa panuntunan ng LTO ngunit lantarang ipinagbibili sa merkado bukod pa sa protektado na ang ating mga ‘kagulong’.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentarios