top of page
Search

Proteksyon sa magbubulgar ng vote buying

BULGAR

by Info @Editorial | Mar. 3, 2025



Editorial

Tuwing halalan, sinusubok ang ating katapatan at pagpapahalaga sa demokrasya.

Gayunman, sa kabila ng pagsusumikap ng mga tao at mga institusyon upang mapanatili ang integridad ng eleksyon, patuloy ang isyu ng vote buying, isang malupit na pagsira sa kalayaan at dignidad ng bawat botante. 


Napapahina nito ang sistema ng demokrasya, sapagkat ito'y nagiging sanhi ng hindi makatarungang pagkatalo o pagkapanalo ng kandidato. 


Kaya't mahalaga ang papel ng bawat isa sa pagsusumbong ng vote buying. 


Dapat tayong maging aktibong bahagi ng solusyon sa pamamagitan ng pagtutok at pag-uulat ng mga kasong ito. 


Ang pagsumbong sa vote buying ay hindi lamang isang tungkulin, kundi isang hakbang patungo sa isang mas matatag na bansa. 


Kaugnay nito, nilinaw naman ng Commission on Elections (Comelec) na hindi lang registered voters ang kwalipikadong magsampa ng reklamo laban sa mga pulitikong lumalabag sa Fair Election Act. Kahit ordinaryong indibidwal na nakasaksi ng bilihan ng boto ay puwedeng magsumbong. Ang mahalaga ay may hawak na ebidensya, maging ito man ay video, larawan, salaysay, dokumento at iba pa.


Kasabay nito, umaasa tayo na mabibigyan naman ng sapat na proteksyon ng gobyerno ang sinumang magbubulgar ng vote buying at iba pang ilegal na gawain sa halalan.

Kung magtutulungan ang bawat isa, kahit papaano ay malalabanan ang mga abusado at ganid sa kapangyarihan. 


Sagrado ang ating boto, huwag hayaang babuyin ng mga korup at walang konsensyang pulitiko.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page