ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 10, 2023
Marami sa ating mga kababayan ngayon ang nagtatrabaho bilang freelancer. Gaya ng ibang manggagawang Pilipino, malaki ang kontribusyon ng ating freelance workers sa paglago ng ating ekonomiya. ‘Yun nga lang, madalas nilang maging problema ang kawalan ng proteksyon—at kung minsan ay hindi pa nababayaran ang kanilang naging trabaho.
Bilang miyembro ng Senate Committee on Labor, napakahalaga para sa akin na mapangalagaan ang mga karapatan ng bawat manggagawang Pilipino. Kaya isinumite natin sa Senado ang Senate Bill No. 2107 o “Freelance Workers Protection Act”.
Kung pumasa at maging ganap na batas, layunin nito na magkaloob ng proteksyon at insentibo sa mga freelance workers, kilalanin ang kanilang mga karapatan, at tiyakin na maayos na nababayaran ang kanilang pagseserbisyo. Bagama’t itinuturing sila na self-employed, kailangang bigyan sila ng karampatang proteksyon tulad din ng ibang manggagawang Pilipino.
Kung maisasabatas, magkakaroon ng legal remedies at proseso upang masigurong mababayaran sila sa kanilang serbisyo. Makakasuhan at mapapatawan naman ng parusa ang mga kukuha ng kanilang serbisyo na hindi magbabayad o hindi tutupad sa kasunduan. Bago rin nila ipagkaloob ang kanilang serbisyo, kailangan munang may written contract sa pagitan nila at ng hiring party.
Noon pa natin ipinaglalaban ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino. Ngayong taon ay nag-file rin ako ng panukalang SBN 1705 na naglalayon na madagdagan ang service incentive leave ng mga empleyado sa pribadong sektor; at ang SBN 1707 na naglalayon namang maproteksyunan ang ating mga social workers.
Noong isang taon ay isinumite rin natin ang panukalang SBN 1183 o “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act”, para mapalawak ang proteksyon, seguridad at insentibo ng mga manggagawa sa media and entertainment industry sa pamamagitan ng karagdagang health insurance package, overtime and night differential pay, at iba pang mga benepisyo. Para sa proteksyon ng mga delivery service riders ay nag-file ako ng SBN 1184; at SBN 1191 para naman magkaroon ng Magna Carta para sa ating mga seafarers, kung maisabatas.
Naghain din tayo ng panukalang SBN 420, na naglalayon na mabigyan ng temporary employment ang eligible members ng low-income rural households na kayang mag-perform ng unskilled physical labor, kung maisabatas.
Balik-sesyon naman kami sa Senado ngayong linggong ito. Kaya naman noong Mayo 9 ay pinangunahan natin, bilang committee chair, ang public hearing ng Senate Committee on Health and Demography para pag-usapan ang implementasyon ng Republic Act No. 11036 o ang “Philippine Mental Health Act.” Gaya ng iba pang isyung pangkalusugan, napakaimportante ng ating mental health.
Bago magbalik-sesyon sa Senado ay lumahok tayo sa UNTV Cup kung saan nakasama natin sa basketball game sina Majority Floor Leader Senator Joel Villanueva at Senator Sonny Angara noong Mayo 7 sa NOVADECI Convention Center sa Quezon City. Nagwagi ang ating koponan na Senate Sentinels laban sa AFP Cavaliers. Bagama’t busy sa trabaho, lumahok kami sa liga para mai-promote ang sports bilang paraan na mailayo ang ating mga kabataan sa masasamang bisyo. Ang palagi ko ngang pakiusap sa tuwing nakakasalamuha ko ang mga kabataan: get into sports, stay away from drugs.
Noong Mayo 8, nagtungo naman tayo sa Batangas City at nagkaloob ng ayuda sa 1,109 mahihirap na residente. Nagsagawa rin tayo ng inspeksyon sa San Pascual Super Health Center na nagkaroon ng upgrade, at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 mahihirap na persons with disabilities, senior citizens, solo parents at ilang indigent families sa lugar. Bilang adopted son ng Calabarzon region at kapwa Batangueño, sa abot ng aking makakaya ay tutulong ako sa mga nangangailangan, lalo na ang mahihirap at mga may sakit.
Tuluy-tuloy rin ang aking tanggapan sa pag-iikot sa buong Pilipinas para mahatiran ng tulong ang ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis. Nagsagawa ang ating relief team ng serye ng pamamahagi ng ayuda sa mahihirap na residente ng Agusan del Sur at napagaan natin ang dalahin ng 100 benepisyaryo sa Veruela, 100 sa Sta. Josefa, 40 sa Esperanza, at 40 rin sa San Francisco. Pinasaya rin natin ang 370 benepisyaryo na miyembro ng iba’t ibang sektor sa Bukidnon na nagmula sa mga munisipalidad ng Kibawe, Dangcagan at Cabanglasan. Hindi rin natin kinaligtaang mag-iwan ng ngiti sa mga labi ng mahihirap nating kababayan sa Zambales at naalalayan ang 227 benepisyaryo mula sa Botolan, at 163 pa mula sa Iba. Inayudahan din natin ang 65 pamilyang biktima ng sunog sa Pagadian City, at nagpadala ng grocery packs sa San Juan City Jail.
Sa abot ng aking makakaya, patuloy lang tayong maghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan. Gagawin natin ang lahat ng ating makakaya, kasama ang mga kapwa ko manggagawa sa gobyerno, na makalikha ng pagbabago sa mga komunidad at maiangat ang kalagayan ng bawat Pilipino tungo sa pagkakaroon ng mas ligtas at komportableng buhay.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments