top of page
Search
BULGAR

Proteksiyunan ang kabataan na pag-asa ng bayan!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 11, 2021



Una sa lahat, sumasaludo tayo sa lahat ng mga atletang Pilipino na naglaro at nagtagumpay sa ginanap na 2020 Tokyo Olympics!


Sa pangunguna ng ating gold medalist na si Hidilyn Diaz, silver medalists Neshty Petecio at Carlo Paalam, at bronze medalist Eumir Marcial, tunay na namayagpag ang mga Pilipino sa Olympics. Masaya tayo lalo na’t kapwa taga-Mindanao ang mga ito. Sila, kasama ang iba pang Filipino Olympians ay nagdala ng malaking karangalan at inspirasyon sa ating bansa sa panahong may hinaharap tayong krisis.


Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, malaki ang tuwa natin at nagbunga na ang ating pagod para mabigyang-sapat na suporta ang ating mga atleta.


Nang dumating ang COVID-19 sa bansa noong nakaraang taon, tiniyak nating mabibigyan ng suporta ang mga atleta dahil ang kanilang pagsasanay at pangkabuhayan ay lubos na apektado ng pandemya.


Ang Office of the President naman ay nagbigay rin ng karagdagang PhP100,000 allowance para sa mga atletang kalahok sa Olympics at Paralympics matapos ang ating apela. Maliban dito, naging matagumpay rin ang ating pag-apela upang mabigyan ng prayoridad sa bakuna ang mga ito.


Bilang Vice-Chair naman ng Senate Committee on Finance, sinigurado rin natin na may sapat na budget para sa sports. Sa katunayan, ipinaglaban ko noon na magkaroon ang PSC ng karagdagang budget ngayong taon na PhP100 million, na naitaas pa ng mga kasamahan ko sa Senado sa PhP250 million, para sa paghahanda ng mga atleta sa Olympics.


Sa pamamagitan ng maayos na sports development programs, mas magiging disiplinado at responsableng mamamayan ang ating mga kabataan at mailalayo natin sila sa masasamang bisyo. Bukod dito, mabibigyan pa sila ng pagkakataon na magdala ng karangalan sa bansa at maayos na kabuhayan para maiahon ang kanilang pamilya mula sa hirap.


Sa totoo lang, sa ilalim ng Administrasyong Duterte tayo nakakita ng may pinakamalaking suporta ng gobyerno at pribadong sektor para sa ating mga programang pampalakasan. Titiyakin ko na maipagpapatuloy ang pagsusulong ng mga inisyatibong ito at maaalagaan ang kapakanan ng ating mga atleta at kabataan.


Isang ehemplo nito ay ang pagsasabatas ng ating panukala na magtatatag ng National Academy of Sports sa New Clark City Sports Complex, Capas, Tarlac. Ngayong itinatayo na ito, mabibigyan na ang mga kabataang atleta ng pagkakataong mag-training at makapag-aral sa world-class na pasilidad at eskuwelahan.


Sa pag-aalaga sa ating mga kabataan, dapat ding magdoble-ingat tayo ngayon, lalo na sa pagkalat ng Delta variant. Nakalulungkot na dumarami na naman ang kaso ng COVID-19, hindi lang sa Metro Manila, kundi sa iba ring parte ng bansa. Kamakailan lang, naiulat pa na halos umabot nang 30 porsiyento ang pagtaas sa bilang ng mga batang natatamaan ng COVID-19, ayon sa datos ng DOH.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, ako ay lubhang nababahala kung hindi natin maaagapan ito dahil baka mapilitang gawing panibagong priority group ang mga kabataan sa pagbabakuna para lang maproteksiyunan sila. Hirap na nga tayo sa pagkuha ng bakuna para sa mga may-edad sa kabila ng limitadong supply, baka kailangang maghanap na naman tayo ng dagdag na mga bakuna para naman sa mga menor-de-edad.


Dahil dito, patuloy ang ating pakiusap na sundin natin ang mga health protocols. Higit sa lahat, magpabakuna na tayo ayon sa ating vaccination guidelines. Ang bakuna ang proteksiyon ninyo laban sa sakit. Sabi nga ng mga eksperto, “If you are not protected against COVID-19, the virus will find you and it will infect you.”


Pakiusap din na kung kayo ay bakunado na, doble-ingat pa rin dahil puwede pa ring mahawahan o makahawa ng inyong kapwa, lalo na sa mga hindi pa bakunado tulad ng mga bata.


Nitong Agosto 9, nakapagtala na tayo ng halos 25 milyong doses ng bakuna na naiturok. Higit 13.3 milyong Pilipino na ang may first dose, habang ang 11.6 milyon naman ang nakatanggap na ng second dose o fully vaccinated na. Tuluy-tuloy lang ang ating pagbabakuna sa kahit saang sulok ng bansa upang marating ang population protection at herd immunity tungo sa pagbalik sa normal nating pamumuhay.


Alam nating mahirap ang panahon ngayon. Ginagawa po natin ang lahat para balansehin ang ekonomiya at kalusugan upang maproteksiyunan ang buhay ng bawat Pilipino.


Proteksiyunan natin ang kapakanan at buhay ng ating kabataan dahil sila ang pag-asa ng ating bayan!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page