top of page
Search
BULGAR

Proseso ng pag-aampon, mas pinadali na!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 08, 2021



Sa wakas ay pumasa na sa ikatlong pagbasa sa Senado ang panukalang-batas na naglalayong mapadali ang proseso ng pag-aampon ng legal na matagal nang binabalewala ng marami nating kababayan dahil sa masalimuot at komplikadong pag-ayos ng dokumento.


Ang Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act of 2021 o ang Senate Bill 1933 ay pumasa dahil sa pagkakaisa at pagsang-ayon ng mga Senador na umani ng 22 affirmative votes.


Ang naturang panukala ay pinagsamang dalawang batas na iniakda ni Sen. Mary Grace S. Poe-Llamanzares at ng inyong lingkod na ilang panahon din naming pinagtuunan ng panahon upang ipagtanggol ang kahalagahan nito at sa malaon at madali ay inasahan naming magiging isa na itong ganap na batas.


Ang pinagsamang bersiyon ay naglalayong ibasura na ang napakahabang proseso na may kinalaman sa judicial adoption sa pamamagitan ng pagbibigay pahintulot sa domestic adoption patungo sa administratibong proseso.


Nakasaad sa ilalim ng naturang panukala na ang sobrang haba ng panahong ipinaghihintay ng mga magulang na nais mag-ampon ay panahon na upang matigil na mula sa kung ilang taon ay maging anim hanggang siyam na buwan na lamang.


Lumalabas sa kasalukuyang sistema na nasa 60 porsiyento lamang adoption cases sa bansa ang natapos ang proseso sa loob ng isa hanggang tatlong taong paghihintay at mas maraming kaso ang umaabot pa ng apat na taon o mas matagal pa.


Dahil sa ganitong sistema ay hindi maiiwasang marami ang mga magsasamantala sa sitwasyon na pinagkakakitaan pa ng ilan at marami tayong natatanggap na ulat na maraming mga pamilya ang gumagastos ng daan-daang libong piso o higit pa dahil sa napakahabang proseso.


Nasa mandato rin ng naturang probisyon na gawing simple, pagaanin, bawasan ang gastusin sa administratibong pagpuproseso ng pag-aampon na pamamahalaan na ng bagong government body na National Authority for Child Care (NACC).


Libu-libo kasing bata ang basta na lamang inabandona ng kani-kanilang mga magulang o kusang isinuko na ang pagiging magulang dahil sa kahirapan o iba pang kadahilanan tulad ng hindi inaasahang pagkamatay ng mga magulang at marami pang iba.


Ngunit nakatataba ng puso at maipagmamalaki natin bilang Pilipino na marami sa ating mga kababayan ang handang tumangkilik ng mga batang hindi nila kadugo at handang magbigay ng pagmamahal at magandang kinabukasan.


Kaso marami sa ating mga kababayan ang idinadaan sa shortcut ang pag-aampon dahil nga bukod sa magastos ay napakalaking abala pa sa mga nagmamalasakit sanang magulang pero sila pa ang mas pinahihirapan ng sistema.


Karaniwan nang ipinaparehistro sa Philippine Statistic Authority (PSA) ang mga panagalan ng inampong bata at diretso nang inilalagay na sila ang legal na magulang sa pakikipagsabwatan ng ilang kumadrona na karaniwang nagpapaanak sa mga liblib na lugar.


Mabilis ang prosesong ito, ngunit ito ay ilegal dahil sa hindi ito ang tamang proseso ng pag-aampon at posibleng maharap sa kaso ang mga gumawa ng ganitong sistema sakaling dumating ang panahon na may maghabol o magsampa ng reklamo.


Nakapaloob ang procedural safeguards sa naturang panukala ang pagbibigay-proteksiyon sa kalagayan ng bata kabilang na ang kinakailangang home study at case study ng social worker sa bawat aplikasyon sa pag-aampon.


Papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang mang-abuso at magsasamantala sa mga bata kabilang na ang pagmamaniobra ng kapanganakan, pagsusumite ng kahina-hinala o maling detalye sa pagpaparehistro ng birth certificate kabilang na ang pagtatala ng hindi tunay na mga magulang.


Kung agad na magiging batas ang iniakda naming panukala ni Sen. Poe ay malaking tulong ito upang maibsan ang mga gastusin at pagkakapatung-patong ng mga nakabinbing kaso sa korte dahil nga sa napakakumplikado ng proseso.


Matutulungan din ng naturang panukala ang may 4,943 bata na nasa pangangalaga ng kasalukuyan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na lahat ay umaasahang isang araw ay may magbibigay sa kanila ng permanentang tahanan.


Kaya sa mga mag-asawa na walang anak o mga magulang na nais pang magdadag ng anak sa pamamagitan ng pag-aampon ay huwag na kayong mag-atubili kung legalidad lang ang pag-uusapan dahil sa pinadali na natin ang proseso sa legal na paraan.


Nakatatakot nga kasing basta-basta na lamang mag-aampon ng bata ng walang kaukulang dokumento dahil nagmagandang loob ka na, pero kapag minalas ka ay sa kulungan ka pa mapupunta, pero ngayon hindi na!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Bình luận


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page