ni Gerard Peter - @Sports | May 08, 2021
Hindi pa man nagsisimula ang nakatakdang exhibition bout sa pagitan nina 5-division World champion at undefeated boxer Floyd “Money” Mayweather at YouTuber at social media influencer Logan Paul, maagang nasaksihan ng ilang dumalo sa promotional tour ang pambungad na buntalang magaganap sa Hunyo 6 sa Hard Rock Stadium sa Miami, Florida – at sa pagkakataong ito laban sa kapatid na si Jake Paul.
Imbes na maitaguyod at makapagbigay ng panibagong aliw sa mga manonood ay nauwi sa gulo ang parehong kampo nina Mayweather at Paul sa pagsisimula ng promotional tour, na nagbunga sa pang-aagaw ni Paul ng baseball cap sa 44-anyos na future Hall of Famer boxer.
Nagsimula ang insidente nang sabihan ni Mayweather sa isang panayam sa kanya ng mga reporter na “Fake fighters” ang magkapatid at “kaya niyang pagsabayin ang dalawa sa iisang gabi.” Dito tila nainsulto ang nakababatang Paul at nakipag-buweltahan ng asaran kay Mayweather, hanggang sa parang batang inagaw ni Paul ang baseball cap ni Mayweather sabay sabing “I got your hat” para pagsimulan ng pagkakagulo. “I don't have to talk about what I'm going to do. The world knows what I'm going to do. I'm willing to fight both in the same night,” pahayag ng dating world boxing champion.
Sinubukan ng security ng bawat panig na awatin at pumagitna sa nangyayaring kaguluhan, ngunit tila desidido na makaganti ang Grand Rapids, Michigan-native na nagresulta sa isang kaliwang black eye ni Paul, na nitong Abril 17, 2021 ay nagpabagsak kay dating mixed-martial arts champion Ben Askren sa 1st ng nakatakdang 8th round fight sa Mercedes Stadium sa Atlanta, Georgia.
Napanatili ni Mayweather, na dating 1996 Atlanta Olympics bronze medalist, ang malinis na kartada sa 50 wins at 27 knockouts sa mahigit tatlong dekada, kung saan tinalo niya ang mga dekalibre at world champions na sina one-and-only eight-division world tilist Manny “Pacman” Pacquiao, Canelo Alvarez, at Oscar dela Hoya, gayundin ang pagpapasuko niya kay two-division UFC champion “The Notorious” Conor McGregor sa 10th round ng scheduled 12-rounds ng boxing noong 2017.
Comments