ni Lolet Abania | May 17, 2022
Inanyayahan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga top officials na pinangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa proklamasyon ng 12 nagwaging senators sa 2022 national elections na nakatakda sa Miyerkules, Mayo 18, ayon kay Comelec Commissioner George Garcia.
“Officially, we have invited the President, Vice President, Senate President, Speaker of the House and the Chief Justice for [the proclamation] tomorrow,” ani Garcia sa isang press conference ngayong Martes.
“In the event that they are available to attend, there might be changes in prior arrangements,” dagdag ni Garcia. Bukod kay Pangulong Duterte, ang iba pang top officials na inimbita ng Comelec ay sina Vice President Leni Robredo, Senate President Vicente Sotto III, House Speaker Lord Allan Velasco at Chief Justice Alexander Gesmundo.
Si Robredo ay kasalukuyang nasa United States kung saan dadalo siya sa New York University graduation ng kanyang pinakabatang anak na babae na si Jillian sa Yankee Stadium sa New York City.
Gayunman, ayon kay Garcia, ang mga naturang top level officials ay walang pang ibinigay na kumpirmasyon ng kanilang pagdalo sa proklamasyon. Batay sa Comelec guidelines, bawat nagwaging senador ay maaaring magbitbit ng limang bisita.
Habang ang dress code para sa mga guests at winning candidates ay Kasuotang Filipino. Hindi naman required para sa mga attendees ang magbigay ng negative antigen o RT-PCR-COVID-19 test results habang ang kailangan lamang ng mga ito ay magprisinta ng kanilang COVID-19 vaccination card.
Base sa partial and official count ng Comelec hanggang nitong Mayo 16, ang aktor na si Robin Padilla ang nangunguna pa rin sa 2022 Senate race.
Narito ang Senate Magic 12:
• Padilla, Robin -- 26,494,737
• Legarda, Loren, - 24,183,946
• Tulfo, Raffy - 23,345,261
• Gatchalian, Sherwin - 20,547,045
• Escudero, Chiz - 20,240,923
• Villar, Mark – 19,402,685
• Cayetano, Allan Peter - 19,262,353
• Zubiri, Juan Miguel – 18,663,253
• Villanueva, Joel - 18,439,806
• Ejercito, JV - 15,803,416
• Hontiveros, Risa - 15,385,566
• Estrada, Jinggoy - 15,071,213
Samantala, ang certificate of canvass na lamang mula sa Lanao del Sur, ang hindi pa nabibilang dahil sa tinatawag na failure of elections sa 14 na barangay sa gitna ng naganap na election violence.
Kommentare