ni Lolet Abania | May 24, 2022
Target ng Commission on Elections (Comelec) na maiproklama ang mga nanalong partylist groups sa 2022 elections sa Mayo 26 o Mayo 27, 2022.
Ayon kay acting Comelec Spokesperson Rex Laudiangco, kinokonsidera ng Comelec dito ang “time frame” para sa transmission at canvassing of results kapag ang special elections sa Tubaran, Lanao del Sur ay nagsara na ngayong Martes ng gabi.
Aniya, kapag natapos na ang special elections sa Tubaran, ita-transmit ng municipal board of canvassers at ika-canvass ang resulta, kung saan ipo-forward naman ito sa provincial board of canvassers ng Lanao del Sur.
Inaasahang matatanggap ng Comelec ang certificate of canvass mula sa provincial board of canvassers sa Miyerkules, Mayo 25. Kasunod nito, ang National Board of Canvassers (NBOC), gayundin ang mga concerned committees at iba pang grupo ang magpoproseso ng mga ito.
Ia-apply nila rito ang formula ng Supreme Court (SC) upang matukoy ang mga nanalong partylist groups habang lalagda sila ng isang resolusyon hinggil sa usapin.
Ayon kay Laudiangco, plano nilang maiproklama ang lahat ng 63 nanalong partylists, kung ang 1,900 natitirang mga boto mula sa Shanghai, China ay hindi makakaapekto sa resulta nito.
Kaugnay nito, sinabi ni Laudiangco na maraming partylists ang naghain na ng petisyon para palitan ang kanilang mga nominees. Kabilang sa mga petisyon ang withdrawal, substitution, at kamatayan ng mga nominees.
留言