ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 25, 2022
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, sinusuportahan ng inyong lingkod ang progressive expansion ng limited face-to-face classes sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 at Alert Level 2. Naninindigan tayong mahalagang hakbang ito tungo sa muling pagbangon ng sektor ng edukasyon at sa pagbabalik ng mas maraming kabataan sa kanilang mga paaralan.
Kamakailan, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Department of Education (DepEd) na palawigin ang face-to-face classes. Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, ang mga bakunadong teaching and non-teaching staff lamang ang papayagang makalahok sa limited face-to-face classes. Bibigyan naman ng prayoridad ang mga mag-aaral na bakunado na laban sa COVID-19.
Ang mahalagang susunod na hakbang ay ang pagbabakuna sa mga batang may edad na lima hanggang 11 upang mapataas pa lalo ang kumpiyansa ng mga magulang at mag-aaral.
Balak ng ating pamahalaan na simulan ngayong Pebrero ang pagbabakuna sa mga batang may edad na lima hanggang 11. Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr., target ng pamahalaan na mabakunahan ang mahigit 15 milyong batang may edad na lima hanggang 11. Kaya naman, muli rin nating hinihimok ang mga local government units (LGUs) na maghanda para sa pagbabakuna ng kabataan sa naturang age group.
Halos 300 paaralan at may 15-K mag-aaral ang lumahok sa pilot run ng limited face-to-face classes. Ayon sa DepEd, walang naitalang kaso ng COVID-19 sa mga lumahok sa pilot run.
Ayon pa sa DepEd, umabot ng 83 porsiyento ang attendance sa limited face-to-face classes. Sa isang survey naman na ibinahagi ng kagawaran ngayong buwan, 97 porsiyento ng mag-aaral sa Grade 1 hanggang Grade 3 at 86 porsiyento sa senior high school ang nagsabing kontento sila sa kanilang karanasan sa face-to-face classes.
Habang unti-unti nating binubuksan ang mga paaralan, lalo na ‘yung nasa itinuturing na may low at minimal risk ng COVID-19, nananatiling prayoridad ang pagbibigay natin ng proteksiyon sa ating mga mag-aaral. Kaya naman, mariin nating isinusulong ang pagbabakuna sa mga batang lima hanggang 11 taong gulang upang patuloy na matiyak ang kanilang kaligtasan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments