ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 10, 2024
Ang bawat isa ay may karapatang magkaroon ng edukasyon.
Mula noon hanggang ngayon, kabilang sa ating ipinaglalaban bilang mambabatas ang mga karapatan ng mga out-of-school children and youth (OSCY) na nagnanais na magkaroon ng maayos na edukasyon at makapagtapos ng pag-aaral.
Ang OSCY ay mga indibidwal na hindi bahagi ng pormal na setup ng pag-aaral sa mga paaralan. Hindi sila pumapasok sa public at private schools, ngunit nais matuto pero walang kakayahan o hindi maaaring makapasok sa karaniwang eskwelahan dulot ng iba’t ibang karanasan o sitwasyon sa kanilang buhay.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na 10.7 milyon ang OSCY. Kaya mariin nating pinapaalalahanan ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng isang agresibong back-to-school campaign para matugunan ang mataas na bilang ng mga OSCY.
Iniulat din ng PSA na sa 10.7 milyong OSCY, ang 68.5 porsyento rito ay may edad 20 hanggang 24. Pumalo naman sa 15.6 porsyento ang may edad 15 hanggang 19, nasa 12 porsyento ang may edad lima hanggang siyam, habang 3.7 porsyento ay 10 hanggang 14 taong gulang. Kaya naman, lubos na hinihikayat ng inyong lingkod ang mga OSCY na mag-enroll sa Alternative Learning System (ALS) upang hindi mapag-iwanan at magkaroon ng magandang kinabukasan. Tinatawag natin itong parallel learning system dahil nakakapaglaan ito ng alternatibong paraan mula sa ordinaryong setup ng edukasyon sa loob ng klasrum.
Ang Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510), na pinangunahan nating isulong, ay may mandatong gawing institusyonal ang mga out-of-school children in special cases at mga adult learner na mabigyan ng pangalawang pagkakataon sa basic education, kabilang ang may kapansanan, mga nakatatanda, indigenous peoples, learners with disabilities, children in conflict with the law, learners in emergency situations o mga sakuna, at iba pa.
Layunin ng ALS na hasain ang mga mag-aaral pagdating sa basic at functional literacy at life skills. Mandato rin ng naturang batas ang pagkakaroon ng ALS Community Learning Centers sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, mahalagang natitiyak natin na naaabot ang mga kabataang wala sa mga paaralan at nabibigyan sila ng pagkakataong makatanggap ng edukasyon.
Ang mga kabataan ang pundasyon ng kinabukasan ng ating bansa, ang pag-asa ng bayan tungo sa mabuting buhay, at ang puwersa ng lipunan na magpapaunlad sa susunod na henerasyon. Kailangang matugunan ang anumang hadlang upang masulit ang kanilang karapatang maging masaya, produktibo, at tagumpay sa mga pangarap sa buhay, tulad ng pagtatapos sa pag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments