ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 13, 2023
Mahalaga ang papel at pakikilahok ng mga magulang sa edukasyon at growth and development ng kanilang mga anak. Kaya sa ilalim ng bagong batas na ating iniakda, itatatag ng Republic Act No. 11908 o ang Parent Effectiveness Service (PES) Program Act ang naturang programa para tulungan ang mga magulang at parent-substitutes na paigtingin ang kanilang kaalaman at kakayahan upang mas magampanan nila ang kanilang mga tungkulin pagdating sa edukasyon ng mga bata lalo na sa gitna ng mga hamong dulot ng inobasyon, social media, at pagbabago sa mga values.
Itinatatag ng naturang batas ang Parent Effectiveness Service (PES) Program upang linangin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pagtupad ng kanilang tungkulin, pagprotekta sa karapatan ng mga bata, at pagsulong sa positive early childhood development. Layon din nitong tulungan ang mga batang matuto nang husto.
Naging inspirasyon ng batas ang Nanay-Teacher Program ng lungsod ng Valenzuela. Ang programa ay ipinatupad sa tulong ng Synergeia Foundation at nagsimula bilang bahagi ng adbokasiya ng inyong lingkod sa edukasyon noong tayo ay alkalde pa lamang.
Ipatutupad ang PES Program sa bawat lungsod at munisipalidad sa pamamagitan ng kanilang social welfare and development offices at government units. Dito ay bibigyang prayoridad ang mga solo parents at mga parent-substitutes ng mga batang nangangailangan ng tulong, kabilang ang mga children-at-risk, children in conflict with the law, at maging ang mga batang nakaranas ng karahasan.
Kasama naman sa mga module ng programa ang mga paksa tulad ng hamon sa mga magulang, proteksyon ng mga kabataan mula sa pang-aabuso, paglinang sa magandang pag-uugali, kalusugan at nutrisyon, pagpapanatili ng maayos na physical environment, proteksyon ng mga bata sa panahon ng mga sakuna, at pagtaguyod sa kapakanan ng mga batang nagbibinata at nagdadalaga.
Ang mga magulang ang ating unang guro at nananatiling mahalaga ang kanilang tungkulin sa edukasyon ng mga kabataan. Kaya naman bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education ay tutulungan natin sila na maging epektibo sa kanilang ginagampanang papel.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments