top of page
Search
BULGAR

Professional licensure examinations, palawigin!

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | June 12, 2021



Ngayong tayo ay nasa pandemya, pangunahing pangangailangan natin ang mga karagdagang doktor, nurse at health workers. Napakahalaga nila ngayon, lalo na ang doktor at nurses. Ang problema, hanggang sa ngayon ay malaki pa rin ang problema sa pagdaraos ng licensure examinations para sa ating professionals.


Marami sa ating examinees, manggagaling pa sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo na sa mga lalawigan na may kalayuan. At kung luluwas sa mga lungsod na nagpapatupad ng swabbing, quarantining, talagang kailangang maglaan ng mahaba-habang panahon ang examinee. At liban pa riyan, malaking gastos ang titiisin niya. Napakahirap.


Kaya panawagan natin sa Professional Regulation Commission o PRC, dapat hindi lang nakasentro sa Maynila at sa iba pang malalaking lungsod ang pagdaraos ng Professional Licensure Examination. Dapat, mapalawig din ito sa bawat sulok ng bansa para mabawasan ang stress ng examinees natin. At higit sa lahat, huwag nating pahirapan pa sa gastos.


Marami sa mga professional examinees ang ganito ang hinaing at sana ay pakinggan natin. Kailangan sila ng komunidad, kailangan sila ng bansa bilang mga propesyunal na makatutulong hindi lang sa ekonomiya, kundi partikular sa mga kababayan natin, lalo na ang nurses and other medical professionals.


Noong March 2020, na-postpone ang dapat sana’y naka-schedule na licensure exam. Pero dahil sa pananalasa ng COVID-19 ay nabinbin ito.


Kung maaari sana ay magtakda ang PRC ng kaukulang examination site sa mga probinsiya para doon na lang sa sentrong ‘yun magpunta ang mga examinee, kaysa naman lumuwas pa sila sa lungsod, mamasahe, mag-quarantine, magpa-swab — hindi nakatutulong sa kanila ‘yung ganung dagdag-problema.


Nakalulungkot na 2019 pa ang huling Nursing licensure test. Isa ‘yan sa mga dahilan ngayon kung bakit, gahol tayo sa bilang ng nurses na kailangang-kailangan pa naman ngayon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Yorumlar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page