top of page
Search
  • BULGAR

Producer, idinemanda ng kasosyong fashion designer… BABY GO, INARESTO SA P25-M ESTAFA, NAGPIYANSA, LAYA NA

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 20, 2024



Showbiz news
File Photo: Marc at Joyce / Reggee Bonoan

Nauwi na sa away ang dating magandang samahan ng magkaibigan at magkasosyo sa negosyo na kilalang fashion designer na si Joyce Pilarsky-Cubales at ng movie producer na si Baby Go ng BG Productions International.


Nitong Huwebes, Agosto 15, dinampot ng Mandaluyong Police si Baby Go sa pamamagitan ng warrant of arrest at saka dinala sa Mandaluyong precinct.


Inireklamo ni Joyce at ng asawang modelo at producer na si Marc Cubales ng estafa si Baby Go at magkasama silang pumunta ng presinto para makaharap ang huli.


Ayon kay Marc nang makapanayam namin, “We’re sorry if we’ve been very hurtful to her. Siyempre, may pangalan din naman ‘yung tao kahit paano.”


Dagdag pa, “We’re public figure, ‘di ba dapat ‘di gumagawa ng ganu’n? Ingatan mo rin dapat ang pangalan mo. Hindi ka gagawa ng anumang ikasisira mo kasi everything will reflect to you.”


Umabot sa P25-M ang estafa na ikinaso ni Joyce kay Baby Go sa pamamagitan ng abogado nilang si Atty. Rani Supnet ng Supnet Apoderado Law.


Kuwento ni Joyce ay mahigit pa sa P25-M ang nakuhang pera sa kanya ng movie producer pero dahil ito lang ang dokumentado, kaya ito lang ang nasa reklamo niya.


Nabanggit pa ni Joyce na kapag nangailangan ng pera si Baby Go ay kaagad siyang magwi-withdraw sa kanyang ATM at saka iaabot nang walang pirmahang naganap, dahil nga magkaibigan sila at malaki ang tiwala niya rito nu’ng una.


Aminado si Joyce na masyado siyang tiwala kay Baby Go na naging dahilan kaya lahat ng sinasabi sa kanya ay umoo siya kaagad, dahilan kaya nagkagulo rin sila ng asawang si Marc dahil pinagsasabihan na siya.


“'And’yan ‘yung inaway na ako ng family ko, friends ko, pati kami ni Marc minsan, kasi nga nagtataka sila bakit ganu’n. Bakit sobrang bait ko na anytime na nagsasabi, humihiram sa ‘kin ng pera, bigay naman ako,” kuwento ni Joyce.


Palibhasa'y movie producer din si Joyce kaya nagkagaanan sila ng loob ni Baby Go. Kaya sa tuwing magsasabi ito ng pera ay bukas-palad daw ang una kahit walang resibo bilang katunayan.


Samantala, bago naghain ng demanda si Joyce ay ilang beses nilang pinadalhan ng demand letter si Baby Go through her lawyer Atty. Gozun at nangakong magbabayad.


“Pero hindi niya ginawa (pagbabayad ng utang). Ipinakilala pa ako sa ibang tao na eventually nangutang din sa ‘kin at sa dulo, nangawala rin,” sambit pa ni Joyce.

Itinatanggi raw ng movie producer na may utang siya kay Joyce.


“Ide-deny pa ni Baby Go na nangutang siya sa ‘kin. May instance na nagbayad s’ya sa ‘kin ng P5.6-M tseke pero tumalbog. Nagalit pa s’ya nang i-deposit ko sa bangko.”


Ang iba pang transaksiyon nina Joyce at Baby Go ay umabot na sa bentahan ng lupa sa out of town at mga alahas at gold bar na peke pala.


“Ang dami n’yang ibinebenta sa ‘kin tulad ng lupa sa Palawan na nabayaran ko na, pero hanggang ngayon, ‘di ko nakikita o nahahawakan ang titulo. Mayroon ding mga alahas o gold pero in the end, fake pala lahat,” alaalang kuwento ng 69-year-old na sumali sa nakaraang 2024 Miss Universe.


Sa dami ng nangyari sa kanila ni Baby Go ay natauhan at nauntog na raw si Joyce.

Pahayag niya, “Na-realize ko na sometimes, dapat maging istrikto. Masyado kasi akong maluwag na kapag may nangutang sa ‘kin, sige lang. Kasi ‘yung mga nangungutang, halos nagmamakaawa, lumuluhod, tapos in the end sasabihin ‘Wala akong utang.’"


Ngayon daw ay natuto na siya at marunong nang humindi. At na-realize niya na 'pag nagpapirma siya sa nangungutang sa kanya, may collateral na.


Halimbawang humingi ng tawad at nangakong hindi na uulitin ni Baby Go, open naman daw si Joyce sa pagpapatawad.


“Puwede naman, pero kailangang bayaran pa rin n’ya ang utang n’ya,” sambit ni Joyce.

Sey naman ng asawa ni Joyce na si Marc, “God has been very good to us, we have a good son and blessed pa rin kami and maraming taong dumarating na maayos at mabait. Sana lang, ‘di na ulit maulit sa iba ‘yung nangyari sa asawa ko.”


On a lighter side ay naikuwento naman ni Marc na masaya ang asawa niya dahil matutupad na ang pangarap nitong magkaroon ng singing career at ipinakilala ni Marc ang asawa kay Vehnee Saturno.


Kuwento ni Joyce, “Masaya ako lalo na at very supportive ang husband ko. S’ya nagpakilala sa ‘kin kay Mr. Vehnee Saturno and Jobert Sucaldito na very kind to us.


“Nag- voice lesson ako para mas maganda ang rendition ko ng song. Kaya ako na-inspire na gawin ‘yung song na ‘yun kasi parang imposible na ang isang 69 taong gulang to be an official candidate for Miss Universe Quezon City na first time nilang binago ang age, eh. Sino ba naman ang mag-iisip na one day, mag-iiba ng rules?


“So, kaya sabi ko, gusto kong i-inspire ang mga tao na to follow their dreams in any age at ‘wag silang mag-give-up.”


Anyway, pagkatapos ng panayam namin kina Marc at Joyce ay napag-alaman naming nakalaya na rin nu’ng gabi ng Huwebes si Baby Go sa pamamagitan ng piyansa.

At nakita namin siya sa nakaraang birthday treat ni Roldan Castro nitong Sabado ng gabi, Agosto 17.



0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page