top of page
Search
BULGAR

Problemado sa away ng pamilya sa lupa

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 14, 2021



Dear Sister Isabel,

Isa ako sa tagasubaybay ng column mo na Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig. Ako nga pala si Gertrudes ng Guimaras. May namana akong lupa rito galing sa aking yumaong ama, pero wala kaming katahimikan dahil inaangkin ito ng uncle ko. Hindi na lang namin pinapansin hanggang sa gumamit na siya ng dahas. May dala siyang baril nang pumunta sa bahay at nagbanta na kung hindi namin ibibigay ang kalahati man lang ng lupa ay magkakamatayan na raw.

Dalawang hektarya ang lupang namana ko at may tanim itong mga mangga sa kasalukuyan. Kasama ko ang aking pamilya dahil dito na rin kami nagtayo ng bahay. Bagama’t tinatakot kami ng tiyuhin ko, hindi kami nagpapasindak dahil may hawak kaming titulo.

Nang minsang nagbanta na naman siya ay ipina-barangay namin, pero hindi pa rin doon nagwakas ang lahat. Muli siyang pumunta sa bahay at may dalang baril. Ang ginawa ng panganay kong anak ay kinuha rin ang baril niya kaya nagkaputukan pero wala namang tinamaan. Upang hindi mapatay ng anak ko ang uncle ko, lumuwas ng Maynila ang anak ko at doon pansamantalang tumira at magtrabaho.

Ano ang dapat kong gawin para tigilan na ng tiyuhin ko panggugulo sa amin? Sana ay mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo.

Gumagalang,

Gertrudes


Sa iyo, Gertrudes,

Makabubuting kausapin n’yo nang mahinahon ang uncle mo at ipaliwanag sa kanya na kayo talaga ang may-ari ng lupa.


Ipakita mo sa kanya ang titulo at kung sakaling hindi pa rin siya tumigil sa kabila ng pakikipag-usap n’yo, tumawag kayo ng nakatatandang kamag-anak na iginagalang niya at siya ang kausapin n’yo upang mamagitan sa inyo.


Kung hindi pa rin siya tumigil sa panggugulo, bigyan n’yo ng kahit maliit na parte ng lupa dahil malaki naman ang namana mo. Sa palagay ko ay papayag naman siya dahil maliwanag na maliwanag, wala siyang karapatan sa lupang inaangkin niya. Wala siyang kahabol-habol kahit magsampa pa siya ng kaso sa hukuman dahil may hawak kang titulo, katibayan na ikaw mismo ang legal na tagapagmana nito.


Huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa, pumunta ka sa tiyuhin mo at kausapin mo siya nang mahinahon. Magpasama ka sa kamag-anak n’yo na inirerespeto nya at hindi kayang pahindian. Umaasa ako at dumadalangin na malutas na ang problema mo sa lalong madaling panahon.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page