top of page
Search
BULGAR

Problemado dahil iniwanan ng ka-live-in, iba ang mapapangasawa kaya ‘di dapat maghabol

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 10, 2021




KATANUNGAN

1. May live-in partner ako, pero iniwanan niya ako kasi nahuli niyang may textmate ako, pero ang totoo ay kaibigan ko lang ‘yun. Lahat ng paliwanag ay ginawa ko na para hindi niya ako iwanan, pero talagang makitid ang isip niya, kaya tuluyan din kaming naghiwalay. Sa ngayon, hindi ko na alam kung nasaan siya mula nang mag-empake siya ng kanyang mga damit at hindi na rin siya sumasagot sa text at tawag ko.

2. Maestro, gusto kong malaman kung magkakabalikan pa ba kami? Sa totoo lang, mahal na mahal ko pa rin siya hanggang ngayon. Kung hindi na kami magkakabalikan, magiging boyfriend ko ba ang textmate ko ngayon? Siya kasi ang umaalalay sa akin kapag may mabigat akong problema. Gayundin, siya ang umuunawa at nakakausap ko kapag wala akong makausap. Sino ang susunod na lalaking darating sa buhay ko at magiging maligaya na ba ako sa piling niya?

3. Alam mo, Maestro, pangarap ko ring maikasal at magkaroon ng legal at tunay na pamilya, hindi tulad ng nakaraang relasyon ko na hindi ako pinakasalan, matutupad ba ang simpleng pangarap kong ito at kailan?


KASAGUTAN


1. Dalawa ang malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na dalawang beses kang makapag-aasawa, kasal man o hindi. Dagdag pa rito, pansinin mong nabiyak at sadyang pumangit ang unang Marriage Line (arrow a.) na tulad ng nangyari na ngayon, ang nasabing pag-aasawa ay nakatakdang mauwi sa pagkawasak at paghihiwalay.

2. Ngunit sa ikalawang pag-aasawa, malaki ang pag-asa na ito na ang mas malinaw at mahabang Marriage Line (arrow b.) na iginuhit sa kaliwa at kanan mong palad, kung saan may pangako ng isang tapat at panghabambuhay nang relasyon.

3. Ang pag-aanalisang sa ikalawang pag-asawa o pakikipagrelasyon ka susuwertehin ay madali namang kinumpirma ng birth date at destiny number mong two (2). Ibig sabihin, sa mga bagay na ikalawa at pangyayaring ikalawa sa iyong buhay, malaki ang posibilidad na suwertehin ka na, uunlad at habambuhay na magiging maligaya.


DAPAT GAWIN


Habang, ayon sa iyong mga datos, Marife, wala nang pag-asa na magkabalikan pa kayo ng dati mong live-in partner, (1-M arrow a.). Ngunit sa ikalawang pakikipagrelasyon na hahantong sa kasalan o tunay na pag-aasawa (2-M arrow b.), tiyak ang magaganap. Sa pagkakataong ito, may pangako na habambuhay ka nang liligaya at magkakaroon ng legal at lehitimong pamilya, na nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2022, sa buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre, sa edad mong 33 pataas.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page