top of page
Search
BULGAR

Problemado dahil iniwan ng kabit at anak, gusto nang bumalik sa tunay na pamilya

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | June 15, 2022


Dear Sister Isabel,


Wala na yatang katapusan ang mga problema ko. Pilit ko mang ilagay sa tama ang buhay ko, palagi namang may aberya. Isinumpa kaya ako?


May asawa ako at tatlong anak na nasa tamang edad na. Nagsimula ang problema ko dahil sa asawa kong mama’s girl at gusto na palaging nakadikit sa pundya ng nanay niya. Hirap na hirap na akong makisama sa pamilya niya, kaya naman kumuha ako ng bahay sa isang subdivision para bumukod na kami, pero ayaw ng asawa ko.


Natukso akong umibig sa iba at nagkaanak kami, at galit na galit ang asawa ko. Tuluyan ko siyang iniwan at nagsama kami ng babaeng ipinalit ko sa kanya, ngunit natuklasan ko na hiwalay siya sa una niyang asawa at may problema siya nang kaunti sa pag-iisip. Sinasaktan din niya ang 2-anyos na anak namin ‘pag sinusumpong siya.


Noon ko pa kinukuha ang bata, pero ayaw niyang ibigay hanggang sa nagharap kami sa barangay para makuha ko ang custody dahil alam kong delikado ‘pag nasa kanya, ngunit mas pinaboran siya ng barangay.


Matino kasi siyang kausap nang araw na ‘yun at tuluyan na siyang humiwalay sa akin habang dala ang bata sa Cebu. Nabuhay akong mag-isa at sinikap kumita ng malaki para may maipadala sa bata.


Sa ngayon, nag-iisa na lang ako sa buhay dahil hindi pa ako mapatawad ng tunay kong pamilya. Gusto ko na sanang bumalik sa kanila at buuing muli ang pamilya namin.


Sa palagay n’yo, ano ang dapat kong gawin? Umaasa akong matutulungan n’yo ako sa problemang gumugulo sa isip ko ngayon. Hihintayin ko ang inyong kasagutan.


Nagpapasalamat,

Jerome ng Naic, Cavite



Sa iyo, Jerome,


Sa palagay ko ay nakapag-isip-isip na ang asawa mo na kaya mo nagawang humanap ng ibang babae ay dahil na rin sa kanya. May asawa na siyang tao pero ayaw pa ring iwan ang pamilya niya para sumama sa iyo at mabuhay kayong mag-anak nang payapa, panatag at magkakasama sa iisang bubong. Mabuti nga at nakatagal ka hanggang nasa wastong edad na ang mga anak mo. Gayunman, ligawan mong muli ang asawa mo. Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin, ‘ika nga.


Natitiyak kong mabubuo muli ang pamilya n’yo at marahil, naka-move on na siya, gayundin ang mga bata at nauunawaan na nila ang naging pagkakasala mo.


Puntahan at kausapin mo na ang asawa mo. Kung paano mo siya niligawan noon, ganu’n ulit ang gawin mo at higit sa lahat, lumapit ka sa Diyos.

Magdasal ka nang taimtim na muling buuin ang pamilya mo. Hindi natutulog ang Diyos, diringgin Niya ang dasal mo. Lakip nito ang aking dalangin na maging panatag, masaya at mabiyaya ang muli mong pagbabalik sa tunay mong pamilya.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page