@Editorial | February 5, 2021
Sa dami ng kinahaharap ng bayan ngayon, may isang problema na hindi pa rin basta nawawala, ito ay ang mga lubak at sirang kalsada na nagdudulot ng aksidente.
Maraming kalsada partikular sa Metro Manila ang lubak-lubak, ‘pag iniwasan ng mga sasakyan ang mga lubak, ito naman ang nagiging dahilan ng trapik.
Ang siste, mamadaliin ang pagtatapal sa mga lubak at isang buhos lang ng ulan at ragasa ng baha ay tatangayin na naman ang itinapal. Goodbye tax!
Masuwerte kung ang sumasakop sa kalsada ay may mga kinatawan na aktibo pagdating sa mga ganitong suliranin, ‘yung palaging umiikot at tinitiyak na safe ang mga residente, at kung may sirang kalsada ay agad na ginagawan ng paraan upang maayos. Pero, kung ang lider at kanyang mga bataan, eh, tuwing eleksiyon lang nagpaparamdam, nganga!
Kaugnay nito, hinikayat ng pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang publiko na i-report ang mga depekto sa mga kalsada, sa pamamagitan ng Hotline 16502 na operational 24/7 at sa social media platforms ng kagawaran. Good news ito lalo na kung talagang agad na maaaksiyunan.
Tama rin na nakikipagkooperasyon ang taumbayan sa anumang problema na nakikita o nararansan sa paligid.
Comments