ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | June 6, 2023
Literal na bumaha ng datung sa studio ng bagong Eat… Bulaga! sa unang araw na pagsalang nila sa kanilang live show. Namudmod ng pera sa audience si Betong Sumaya. Makikita ring may mga bagong dancers ang nasabing show.
Wala pang malinaw na konsepto kung ano ang mga magiging bagong segments ng EB! ngayon.
At hindi rin malaman at matukoy kung sinu-sino ang mga magiging main hosts na magsisilbing poste ng nasabing show.
May ilang viewers lang ang nag-comment na ginaya ng bagong EB! ang style ni Willie Revillame na namimigay ng pera sa studio audience sa show nitong Wowowin.
Well, ang inaabangan ngayon ng publiko ay kung ano na ang mangyayari sa pag-aagawan nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon at ng TAPE, Inc. para sa titulo ng EB!.
Ang tanong, sino ba talaga sa dalawang partido ang may karapatan na gamitin ang pangalan ng longest-running noontime show?
Naninindigan ang TVJ na sila ang may karapatan sa titulo ng EB! at matagal na nilang naiparehistro ang intellectual property right nito.
Samantala, ang claim naman ng TAPE, Inc. ay sila ang nagparehistro ng titulo ng EB!.
Pero, bakit ngayong February, 2023 lang nila ito ipinarehistro ganoong taong 1979 pa nagsimulang umere ang nasabing noontime show?!
Tiyak na matinding labanan ang mangyayari sa pagitan ng TVJ at ng TAPE, Inc. at hahantong na sa korte ang lahat.
Kamakailan nga ay may kumalat na picture nina Tito Sen, Vic at Joey sa social media kung saan makikita na kasama nila ang isa sa mga abogado ng Divina Law Office.
Comentários