ni Ambet Nabus @Let's See | August 5, 2024
Hindi nga nakaligtas si Carlos Yulo sa mga nagtagumpay sa buhay na hindi kumpleto ang kasiyahan ng dahil sa iskandalo at intriga.
Sa isyu nito ngayon sa kanyang nanay, mukhang ito ang magiging dahilan para mabahiran ang kanyang success.
Sa pagkuha ng ina nito sa legal services ni Atty. Fortun, asahan na raw nating magmimistulang showbiz ang mga intriga at iba pang lumabas na usapin mula sa pera hanggang sa relasyon ng ating mahusay na Olympian sa kanyang girlfriend at pamilya nito.
Siya na ang magiging guaranteed superstar at millionaire.
Sa ongoing Cinemalaya Festival, kapansin-pansin ang mga naggagandahang posters at promo materials ng bawat kalahok, in competition man o for exhibition.
Nabalitaan namin ang pagiging punong-abala ni papa Dingdong Dantes nu’ng mag-special preview ang Balota entry ni Marian Rivera. Ito raw talaga ang nagsilbing socmed (social media) guy ni Marian at direktor sa pagbibigay instructions sa asawa sa pagharap sa mga tao at press peeps.
Sa mga nakapanood naman ng film, bumagay raw for Marian ang role na isang single mother na teacher na pinoprotektahan ang balota sa isang eleksyon.
Natural na natural daw ang pagka-jologs nito lalo du’n sa parteng panay pagmumura ang lumabas sa bibig nito.
“She was so natural. Parang lagi niyang ginagawa,” ang natatawang tsika ng mga nakapanood sa sobrang lutong daw ng mga “P.I” ni Marian, Hahaha!
Ang Love Child naman ang una naming napanood na pinagbibidahan nina RK Bagatsing at Jane Oineza.
Nagustuhan namin ang story at atake ng mga direktor at artista sa material nito tungkol sa couple na na-challenge sa pag-aalaga sa anak nilang may ‘autism’.
Ang husay pareho nina RK at Jane na para bang tunay nilang anak ang inaalagaan nila.
Maganda ang rehistro nila as screen couple at hindi namin na-feel ang ‘ilang’ sa kanilang mga landian at intimate moments dahil ‘yung pagiging dedicated parents nila ang markado sa amin. Hindi kami magugulat kung manalo ito ng awards sa Cinemalaya.
Magaling din ang bagets na gumanap bilang anak nila na si John Tyronn Ramos. Si direk Jonathan Jurilla ang nag-direk at sumulat din nito mula sa Regal Entertainment.
Naku, kung buhay pa si Mother Lily Monteverde, sure kaming ipagmamalaki niya ng bongga ang movie nila.
Mapapanood ang Cinemalaya entries sa Ayala Mall sa Manila Bay at Trinoma Cinemas.
Isa na kami sa napakaraming sumasang-ayon kay Agot Isidro sa suhestiyon nitong imbes na bigyan ng malaking budget o sponsorship ng parehong nasa private at public agencies ang sport na basketball, mas mabuting ibigay ito sa mga sport na gaya ng weightlifting, gymnastics, pole vault, boxing at swimming.
Ito kasi ang ilan sa mga sports discipline na laging nagmamarka sa mga regional and international tournaments at sa 2024 Paris Olympics nga, ito pa rin ang mga nangungunang sport sa ilalim ng bandila ng Pilipinas.
May mga pumuri sa aktres sa naging suggestion niya, pero sa mga mahilig sa basketball, siyempre kinontra siya.
Pero kami, 100% agree kay Agot. Talaga namang matindi lang ang mga delulu sa basketball world na kaya nating makipag-bardagulan sa height, lakas at tapang ng ibang lahi. Kung hindi pa nga gastusan ng milyun-milyong kontrata ang mga naturalized o ibang may dugong Pinoy kuno na players, hindi pa tayo magpapakitang-GILAS, hay!
At bakit nga mas pinipili ng mga homegrown basketball superstars ang maglaro sa liga gaya sa Japan, Korea at iba pa kesa nga ang Pilipinas ang i-represent?
Ay teka lang, ‘di ba minsan na rin itong ini-air ng mga gaya nina pareng Benjie Paras, Jerry Codinera, Vergel Meneses at Johnny Abarrientos?
Comments