top of page
Search
BULGAR

Problema ng DOTr at MANIBELA, umabot na sa korte

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 21, 2023


Hindi natin matiyak sa ngayon kung makakatulong ba sa kinakaharap nating napakaselang problema hinggil sa phaseout ng tradisyunal na jeepney ang demandahang nagaganap sa pagitan ng Department of Transportation (DOTr) at ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA).


Mas binigyang prayoridad ni DOTr Secretary Jaime Bautista na linisin ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong libelo laban kay MANIBELA Chairperson Mar Valbuena at isa pang mamamahayag.


Sa panayam ng Department of Justice (DOJ) ay sinabi ni Bautista na inihain niya ang kaso dahil sa alegasyon na tumanggap siya ng suhol na hindi naman umano totoo kaya nais lamang niyang protektahan ang pangalang inalagaan niya sa loob ng 45 taon.


Patunay ito na naubos na ang pasensya ni Secretary Bautista at mas minabuti nang magsampa ng asunto kesa magsawalang kibo na lamang sa mga ipinupukol sa kanyang akusasyon.


Ang isinampa nitong kasong cyber libel ay may kaugnayan sa sinabi ni Valbuena na base sa rebelasyon ni dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board Executive Assistant Jeff Tumbado na si suspended LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III umano ang nagde-deliver ng corruption money kay Bautista.


Kinabukasan, binawi ni Tumbado ang kanyang mga ibinulgar at humingi ng paumanhin kina Bautista at Guadiz sa pagsasabing ito ay ‘borne out of impulse, irrational thinking, misjudgment, at poor decision making’ na hindi naman pinaniwalaan ng publiko.


Sa opinyon ng publiko ay dehado ang mga namumuno sa mga ahensya ng pamahalaan kaya’t mas marami ang naniniwala sa ibinulgar ni Tumbado kesa pagbawi niya na walang katotohanan umano ang kanyang mga ipinagtapat.


Ito rin ang nagtulak sa National Bureau of Investigation (NBI) kaya pinipilit nilang maipatawag si Tumbado na noong una ay hindi sumipot ngunit nagbigay din kalaunan ng sinumpaang salaysay pabor na sa DOTr at LTFRB.


Magkasabay na humarap sa media sina Valbuena at Tumbado ngunit dahil sa pag-atras ni Tumbado ay tanging si Valbuena na lamang ang nagpapatuloy sa kanilang sinimulan hinggil sa korupsiyong nagaganap umano sa LTFRB.


Bago pa nagsampa ng asunto si Bautista ay nagtungo na si Valbuena sa Camp Crame at personal na humihingi ng saklolo dahil sa pinagbabantaan umano siya sa kanyang buhay bukod pa sa banta ni Bautista na sasampahan ng kaso.


Ngunit, sa kabila nito ay sinabi ni Valbuena na “purely harassment and abuse of power” ang ginagawa ni Bautista kaya hindi umano siya mananahimik kahit tambakan pa ng kaso ay patuloy nitong ilalantad ang katotohanan.


Hindi rin nabahala ang grupo ng mga mamamahayag sa ginawang pagdawit ni Bautista sa isang mamamahayag sa kaso dahil sa ginagawa lamang umano nito ang tungkulin bilang tagapaghatid ng balita.


Kataka-takang hindi naman nakasama sa kaso si Tumbado gayung siya ang promotor at pinagmulan ng mga sinasabing katiwaliang siya rin ang nagbunyag kasabay pa ng pag-amin na siya ang tumatayong ‘middleman’ sa gitna ng mga ilegal na transaksyon sa LTFRB.


Matagal nang isinisigaw ng ilang transport group ang mga katiwalian umano sa LTFRB ngunit ngayon lamang nagkaroon ng pag-iingay hinggil dito dahil sa may isang dating taga-LTFRB ang nagsiwalat ng nangyayari na lalong nagdagdag sa galit ng mga operator at driver.


Kaugnay nito ay hiniling ni Sen. Grace Poe, chair ng Senate Committee on Public Services na isuspinde ang papalapit na phaseout ng tradisyunal na jeepney sa Disyembre 31 dahil na rin sa ibinunyag na katiwalian.


Nagbanta rin si Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na paiimbestigahan ang diumano’y korupsiyon sa LTFRB ngunit tila magkakaroon ng pagbabago dahil nagpatawag na rin ng imbestigasyon ang Kongreso sa darating na Lunes at nangako si Tumbado na darating.


Kung wala kasing mamamagitan o magsasagawa ng imbestigasyon ay tiyak na paninindigan ng DOTr at LTFRB na wala silang kasalanan at busilak ang kanilang damdamin ngunit pangangatawanan din ng MANIBELA na puro sila kawatan — kaya abangan natin kung sino ang nagsasabi ng totoo at nagsisinungaling!


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page