ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 21, 2023
Dear Chief Acosta,
Ako ay isang dating overseas Filipino worker (OFW) na ilegal na tinanggal at pinauwi sa Pilipinas. Gusto kong magsampa ng kaso kaugnay nito laban sa aking ahensya.
Sinabi ng kaibigan ko na kailangang isampa ko ito sa Metro Manila kung saan matatagpuan ang nasabing ahensya, kaya nawalan ako ng pag-asa dahil nakatira ako sa probinsiya na malayo sa Metro Manila. Maaari ko bang isampa ang nasabing kaso sa lugar lamang kung saan matatagpuan ang nasabing ahensya? - Minda
Dear Minda,
Para sa iyong kaalaman, ang mga reklamo ukol sa pagtanggal sa trabaho ay nasa orihinal at eksklusibong hurisdiksyon ng Labor Arbiter alinsunod sa Section 1 (b), Rule V ng 2011 National Labor Relations Commission Rules of Procedure (“NLRC Rules”), as amended, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“SECTION 1. JURISDICTION OF LABOR ARBITERS. – Labor Arbiters shall have original and exclusive jurisdiction to hear and decide the following cases involving all workers, whether agricultural or non-agricultural:
a. Unfair labor practice cases;
b. Termination disputes;”
Kaugnay nito, sa Section 1 (e), Rule IV, ng nasabing NLRC Rules, nakasaad ang mga lugar kung saan maaaring isampa ang mga kaso na kinasasangkutan ng mga OFW:
“SECTION 1. VENUE. – (a) All cases which Labor Arbiters have authority to hear and decide may be filed in the Regional Arbitration Branch having jurisdiction over the workplace of the complainant or petitioner.
(e) Cases involving overseas Filipino workers may be filed before the Regional Arbitration Branch having jurisdiction over the place where the complainant resides or where the principal office of any of the respondents is situated, at the option of the complainant.”
Batay sa nabanggit na NLRC Rules, ang mga kaso na kinasasangkutan ng mga OFW ay maaaring isampa sa Regional Arbitration Branch ng NLRC na may hurisdiksyon sa lugar kung saan nakatira ang nagrereklamo o kung saan matatagpuan ang punong tanggapan ng alinman sa mga sumasagot o inirereklamo. Ang opsyon na mamili kung saan sa dalawang lugar ihahain ang reklamo ay nasa kamay o desisyon ng nagrereklamo.
Kaya naman, maaari kang magsampa ng kaso kaugnay sa diumano ay ilegal na pagtanggal sa iyo, hindi lamang sa Regional Arbitration Branch ng NLRC sa Metro Manila kung saan matatagpuan ang iyong ahensya, kundi maging sa probinsiya kung saan ka nakatira, sa opsyon mo bilang nagrereklamo at isang dating OFW.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments