ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | May 04, 2021
Sa gitna ng ating pagsisikap na ipagpatuloy ang edukasyon sa panahon ng pandemya, nakita natin na ang laptop o gadgets at internet ay para na ring tubig at kuryente para sa ating mag-aaral at kanilang pamilya. Sa pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pandemya, dapat pagsikapan natin na walang mag-aaral ang mapag-iiwanan dahil lang hindi sila konektado sa internet o kaya naman ay wala silang magamit na laptop o anumang gadgets para sa pag-aaral.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, isinusulong ng inyong lingkod ang pagpapalawig ng access sa internet at mga gadgets para sa mag-aaral na nangangailangan nito.
Sa 1,200 na lumahok sa survey ng Pulse Asia mula Pebrero 22 hanggang Marso 3, mahigit 60 porsiyento ang may anak o inaalagaan sa basic education. Maraming magulang o guardians ang nagsabing internet connection at kawalan ng gadgets ang problemang nararanasan nila sa distance learning. Mahigit 40 porsiyento sa kanila ang nagsabing paputol-putol ang kanilang internet connection, higit 36 porsiyento naman ang nagsabing wala silang gadgets sa bahay, at 30 porsiyento naman ang nagsabing namamahalan sila sa gastos sa internet.
Bagama’t lumabas sa 2019 National ICT Household Survey na ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamataas na bilang ng sambahayang may internet (33.2 porsyento), lumabas sa survey ng Pulse Asia na sa NCR din pinakalaganap ang suliranin sa paputul-putol na internet at mataas na gastos sa internet. Bagama’t hindi masyadong laganap ang kakulangan ng gadgets sa NCR, mas laganap naman ito sa ibang bahagi ng Luzon (41 porsiyento), Visayas (33 porsiyento) at Mindanao (34 porsiyento).
Ayon din sa 2019 National ICT Household Survey, 82.3 porsiyento ng mga sambahayan ang walang internet. Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (95.5 porsiyento) at Region IX (93.8 porsiyento) ang may pinakamataas na bilang ng mga sambahayang walang access sa internet.
Noong nakaraang taon, iminungkahi na ng inyong lingkod ang paglalagay ng cell site sa mga pampublikong paaralan para mapalawig ang access at paggamit ng internet sa buong bansa. Bilang bahagi ng pagpapatupad ng Public Education Network (PEN) ay nagkasundo ang Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na patayuan ng mga common towers ang mga pampublikong paaralan. Balak ding maghain ng inyong lingkod ng panukalang-batas upang mabigyan ang mga mag-aaral sa bansa ng laptop at internet allowances.
May pandemya o wala, mahalaga na pagsikapan nating maabot ang bawat kabahayan gamit ang internet, at mabigyan natin ang mga batang estudyante ng wastong kagamitan at teknolohiya na kanilang magagamit sa pag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments