ni Gerard Arce @Sports | March 25, 2024
Matagumpay ang naging laban ni 2020+1 Tokyo Olympics bronze medalist at 2024 Paris-bound Eumir Felix Marcial nang pataubin ang dayuhan na si Thoedsak Sinam ng Thailand sa loob lang ng 4 rounds sa bisa ng kaliwang uppercut sa main event ng “Home Coming” match nitong Sabado ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bumitaw ng panapos na upak si Marcial sa 4th round sa katawan at mukha ng Thai boxer hanggang uppercut sa 1:33 at hindi makabangon nang bilangan ni international referee Danrex Tapdasan.
Napahaba pa ng 28-anyos mula Zamboanga City ang winning streak sa 5 kasunod ng super-middleweight bout na pinanood ng iba pa pro-boxers na sina dating unified super-bantamweight titlist Marlon “Nightmare” Tapales, dating super-flyweight champ Jerwin “Pretty Boy” Ancajas, future boxing champion Carl Jammes Martin at maging ni Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio para suportahan ang kasama sa national team.
Magsisilbi itong huling laban ni Marcial (5-0, 3KOs) sa pro fight ngayong taon upang paghandaan ang 2024 Paris Games. Magsasanay sila sa US Olympic Training Center sa Denver, Colorado simula sa Abril 9 para sa 2-weeks training at mini-tournament habang muling babalik sa Pilipinas ng dalawang linggo at magtutungo ng Thailand para sa panibagong training bago ang aktuwal na huling Olympic Qualifying Tournament.
Naunang sinabi ni Marcial na pangarap nitong maibahagi sa mga kababayan ang husay sa boksing matapos muling magkwalipika sa Summer Olympic Games. Nasaksihan din nina Philippine Olympic Committee (POC) President Mayor Abraham “Bambol” Tolentino, Senator Francis Tolentino at World Boxing Council (WBC) President Mauricio Sulaiman ang ipinakitang magandang panalo sa mga kababayan, habang patuloy ang suporta nina MP Promotions President Sean Gibbons, Viva Promotions head Brendan Gibbons at Sanman Promotions CEO Jim Claude Manangquil.
Comments