ni VA @Sports | April 2, 2024
Isang professional boxer ang nakatakdang makasama ng national boxing team sa gagawin nilang pagsabak sa huling boxing qualifying tournament para sa Paris Olympics na gaganapin sa Bangkok sa susunod na buwan.
Inimbita ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) si Criztian Pitt Laurente sa isang box para sa men’s 63.5-kg division kung saan nanaig siya kontra kay Mark Ashley Fajardo na nauna nang nabigo na magkamit ng tiket para makasama sa Paris matapos ang round-of-16 exit sa nakaraang Busto Arsizio qualifier noong Pebrero sa Italya. “Tinanggap ko 'yung offer kasi isang malaking oportunidad ito para sa akin," pahayag ng 5-foot-8 na si Laurente na may malinis na rekord na 12-0, panalo-talo kabilang na ang 7 knockouts sa loob ng apat na taon niyang pagiging pro. Dating ABAP boxer noong 2015-2019, makakasama ng 24-anyos at tubong General Santos City sa pagsabak sa huling qualifier sa Bangkok sa Mayo 23- Hunyo 3 sina Tokyo Olympics flyweight silver medalist Carlo Paalam, women’s middleweight Hergie Bacyadan at flyweight Rogen Ladon.
Tatangkain nilang mapahanay sa mga nauna nang nag-qualify na sina men’s light heavyweight Eumir Felix Marcial, women’s featherweight Nesthy Petecio at women’s flyweight Aira Villegas sa Paris. Naging gold medalist sa 2016 Children of Asia tournament sa Yakutsk, Russia si Laurente at bronze medalist sa 2018 Asian Boxing Confederation Youth Championship sa Bangkok. Nagwagi rin siya ng gold medal noong 2012 at 2014 Palarong Pambansa gayundin sa 2016 Philippine National Games.
Ang huli niyang laban ay noong Marso 2023 sa South Korea kung saan tinalo niya ang Mongolian na si Munkhdalai Batochir sa isang non-title fight. Samantala, maliban sa kanyang ama na si Cristino, suportado rin si Laurente ng kanyang promoter na si Gerry Peñalosa sa pag-abot sa kanyang pangarap na makalaban sa Olympics.
Comments