ni Lolet Abania | June 25, 2021
Inianunsiyo ng Department of Education para sa mga pribadong eskuwelahan at non-DepEd public schools na maaari na nilang simulan ang pagbubukas ng klase para sa school year 2021-2022 sa kabila ng nakabinbing pag-apruba sa bagong general school opening at calendar.
Ayon sa DepEd, puwede na nilang buksan ang kanilang mga klase, subalit ang mga eskuwelahan ay kailangang magpatupad lamang ng distance learning modalities at wala dapat face-to-face interactions.
Ang advisory na nakasaad sa dokumento ay may petsang June 23, 2021 at pirmado ni DepEd Secretary Leonor Briones.
Ang mga pribado at non-DepEd schools, kung saan unang sisimulan ang klase bago ang general school opening, ay dapat magsumite ng mga pertinent documents sa regional director bilang mandato sa ilalim ng DepEd Order No. 13, s. 2020 at DepEd Order No. 17, s. 2020 para sa readiness assessment.
Gayunman, ang naturang ahensiya ay target na buksan ang klase sa ilalim ng blended learning scheme sa Agosto o Setyembre.
Ito ay matapos na hindi aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mungkahi nilang magsagawa ng limited face-to-face classes sa mga lugar na may mabababang transmission rate ng COVID-19.
Patuloy naman ang DepEd sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa kabila ng panganib ng pandemya ng COVID-19.
Comments