top of page
Search
BULGAR

Prime Minister ng UK mamimigay ng 1 milyong vape kapalit ng pagtigil sa sigarilyo*

ni Chit Luna @Brand Zone | July 27, 2023




Pinuri ng mga tagapagtaguyod ng pampublikong kalusugan sa Asya ang Prime Minister ng UK na si Rishi Sunak dahil sa pagendorso niya sa vaping bilang mas ligtas na alternatibo sa paninigarilyo at pagtatatag ng mga programa na naghihikayat sa mga nasa hustong gulang na pumili ng mas mabuti para sa kanilang kalusugan.


Sinabi ni Clarisse Virgino, kinatawan ng Pilipinas sa Coalition of Asia Pacific Tobacco Harm Reduction Advocates (CAPHRA), na si Prime Minister Sunak, isang pinuno ng malayang mundo, ay nagpahayag na ang vaping ay mas mahusay na alternatibo para sa mga taong ayaw tumigil sa paninigarilyo.



Sinang-ayunan nila si Prime Minister Sunak sa tamang pagprotekta sa kalusugan ng mga residente ng UK sa pamapagitan ng "swap to stop" program—isang makabagong pamamaraan para mamahagi ng isang milyong libreng vape sa mga naninigarilyo.


Sinabi ni Prime Minister Sunak na mayroong matibay na batayan ang programa para matulungan ang mga kasalukuyang naninigarilyo na nasa hustong gulang at lumipat tungo sa paggamit ng vape.


Ayon kay Dr. Lorenzo Mata, presidente ng advocacy group na Quit for Good, ang mga gumagawa ng patakaran sa buong mundo ay dapat makinig sa administrasyon ni Prime Minister Sunak na isinasaalang-alang ang agham sa pagsisikap nitong tugunan ang epidemya ng paninigarilyo sa UK.



Sa halip na i-demonize ang vaping, itinataguyod ito ng UK bilang isang proactive at innovative na paraan para mahikayat ang mga tao palayo sa paninigarilyo at bigyan sila ng mas magandang pagpipilian, sabi ni Dr. Mata.


Ang mga vape, heated tobacco products at nicotine pouch ay ilan sa mga makabagong alternatibo na naghahatid ng nikotina nang walang pagsunog sa tabako.


Base sa mga siyentipikong pag-aaral, ang pagsunog ng tabako ay nagdudulot ng humigit-kumulang 7000 kemikal na taglay ng usok ng sigarilyo. Sa kabilang banda, ang nikotina ay hindi ang sanhi ng mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo, ayon sa pananaliksik.


Sinabi ni Dr. Mata na ang stratehiya ng UK "ay nagpapatunay na ang Pilipinas ay kumilos sa tamang direksyon nang ipasa nito ang Republic Act No. 11900, o ang Vaporized Nicotine and Non-nicotine Products Act upang i-regulate ang vape, heated tobacco at iba pang alternatibong produkto.


Nagbibigay ngayon ang UK ng mga libreng vape starter kit sa isang milyong naninigarilyo bilang bahagi ng pambansang kampanya upang bawasan ang paninigarilyo. Tinatayang isa sa limang naninigarilyo sa England ang makakatanggap ng kit.


Sinabi ni Virgino na ang progresibo at maka-agham na istratehiya na ito ay nagbibigay ng pinakamagandang pagkakataon upang wakasan ang paninigarilyo, matapos mabigo ang World Health Organization at ang Framework Convention on Tobacco Control sa misyon nito sa nakalipas na mga dekada.


Sa pamamagitan ng pagbibigay ng 1 milyong libreng vape, kinikilala ng UK ang papel ng tobacco harm reduction sa pagbabago sa buhay ng mga naninigarilyo. Umaasa ang administrasyon ni Prime Minister Sunak na ang ‘swap-to-stop’ scheme ay magpapabilis sa pagbaba ng paninigarilyo sa UK.


Binigyang-diin ni Sunak ang kahalagahan ng programang "swap to stop" upang mapabuti ang kalusugan ng publiko, na kinabibilangan ng pagtataguyod ng vaping bilang isang mas ligtas na alternatibo sa paninigarilyo at bahagi ito ng isang diskarte na naghihikayat sa mga nasa hustong gulang na gumawa ng matalinong pagpili sa halip na magpataw ng mga pagbabawal o magbigay sa kanila ng limitadong opsyon.


Sinabi ng mga consumer group at public health advocates sa Pilipinas na ang desisyon ng UK ay dapat gumising sa mga bansang patuloy na sumusunod sa hindi epektibong patakaran ng WHO.


Ayon kay Virgino, ang paninindigan ng gobyerno ng UK na pabor sa mga smoke-free alternatives ay ang pinakamalaking hamon sa mahigpit at pagbabawal na patakaran ng WHO na nakakaapekto sa mahigit isang bilyong naninigarilyo sa mundo.


Aniya, ang quit-or-die approach na inilalako ng WHO at tinatanggap ng mga pulitikong sarado ang pag-iisip ay magreresulta lamang sa hindi kinakailangang pagkamatay dahil sa paninigarilyo.


Kung mayroong mas mahusay na alternatibong magagamit, ang mga ito ay hindi dapat ipagkait sa mga naninigarilyo, sabi ni Virgino.


Ayon sa Department of Health and Social Care ng UK, ang programa nito ay napatunayang epektibo sa pagsubok sa mga komunidad, kaya itinaas ito sa pambansang antas.


Kasama rin sa plano ang pagbibigay ng mga insentibong pinansyal na aabot hangggang 400 UK pounds para sa mga buntis na babae na huminto sa paninigarilyo.


Napatunayang nakakatulong ang vaping sa pagpapahinto sa mga tao sa paninigarilyo sa UK, dahil ipinapakita ng pananaliksik na "ang mga naninigarilyo na gumagamit ng vape araw-araw ay tatlong beses na mas malamang na huminto sa paninigarilyo".


Ang mga hakbang ay bahagi rin ng plano ng gobyerno ng UK na makamit ang "smoke-free" status sa taong 2030.


Humigit-kumulang 5.4 milyong tao sa England ang kasalukuyang naninigarilyo, at ipinakita ng mga pag-aaral na dalawa sa tatlong naninigarilyo ang mamamatay dahil dito kung hindi sila titigil o lilipat sa mas ligtas na alternatibo.


Kasama rin sa programa ang pagbabawal ng pagbebenta ng vape sa mga menor de edad.


Sa kabila ng pagtutol ng WHO sa mga smoke-free alternatives, natuklasan ng isang WHO study group noong 2015 na ang mga produktong “less toxic o less addictive” ay maaaring maging bahagi ng isang komprehensibong istratehiya sa pagbabawas ng pagkamatay at sakit na nauugnay sa tabako.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page