ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 28, 2021
Bagama’t ikinatuwa ng marami nating kababayan ang pagpapataw ng price ceiling sa karneng baboy sa Kamaynilaan, patuloy namang umaaray ang maraming magbababoy.
Dahil dito, ilang meat vendor ang hindi pa rin nagtitinda dahil lugi umano sila sa negosyo.
Gayunman, pag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) kung kailangan tanggalin o itaas ang price cap sa karneng baboy dahil sa patuloy na “pork holiday” sa ilang pamilihan.
Bagama’t may sapat umanong suplay ng baboy mula sa Visayas at Mindanao, hindi ito napupunta sa Metro Manila dahil sa price cap.
Matatandaang kamakailan, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng price ceiling sa karneng baboy at manok sa Metro Manila, kung saan base sa ilalim ng Executive Order No. 124, may price cap na P270 ang kada kilo ng kasim at pigi, P300 ang kada kilo ng liempo at P160 ang kada kilo ng manok, na naging epektibo noong Pebrero 8 at tatagal nang 2 buwan.
Samantala, kung naka-pork holiday ang ilang magbababoy, wala namang balak sumama ang iba. Bagkus, magtataas na lang umano sila ng presyo ng tinda, na maituturing na pagsuway sa nananatiling price ceiling sa mga karne.
Sa totoo lang, nauunawaan natin kung bakit mas gusto na lang lumabag ng ibang nagtitinda ng baboy sa halip na sumunod sa price cap. Ano pa nga naman kasing kikitain nila kung ang farmgate price pa lang ay nasa P220 na?
Kung patuloy na susuway ang mga magbababoy para kumita kahit kaunti, dapat nga lang na pag-aralan kung dapat tanggalin o itaas ang price cap.
Wa’ ‘wenta kasi kung naninindigan tayong may price cap, pero hindi rin naman nasusunod. Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, pag-isipan at pag-aralang mabuti ang mga susunod na hakbang.
Kapag may nais tayong ipatupad, dapat lahat ay makikinabang, ‘ika nga, win-win.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
תגובות