top of page
Search

Pribadong sektor na katuwang sa edukasyon, bigyan ng insentibo

BULGAR

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Oct. 31, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Mahalga na maging katuwang natin ang pribadong sektor para sa tuluy-tuloy na pagpapaunlad ng sistema at kalidad ng edukasyon sa bansa. 


Ang pagbibigay ng insentibo sa kanila ang isang magandang paraan para mahikayat at mapasalamatan sila. Sa isinusulong na panukalang batas ng inyong lingkod, aamyendahan ng Adopt-a-School Act of 2024 (Senate Bill No. 2371) ang Adopt-a-School Act of 1998 (Republic Act No. 8525) upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng mga paaralan at mga industriya sa bansa, lalo na pagdating sa pagbibigay ng trabaho sa senior high school graduates. 


Kasama ang Department of Education (DepEd), itinutulak natin ang pagpapalawak at pagpapatatag ng Adopt-a-School program para mahikayat ang pribadong sektor na tulungan ang ating mga pampublikong paaralan. Ang naturang panukala ay nagmumungkahi ng dagdag na kaltas katumbas ng 50 porsyento ng gastos sa labor training para sa scholarships sa mga guro at skills development ng mga enterprise-based trainees batay sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o ang CREATE Law (Republic Act No. 11534). 


Nakasaad dito na mayroon pang dagdag na kaltas na katumbas ng 20 porsyento ng mga sahod ng SHS graduates na bibigyan ng trabaho. Hindi naman papatawan ng customs duties, value-added tax, excise tax, donor’s tax, at iba pang mga buwis ang mga donasyon sa mga public school sa ilalim ng Adopt-a-School Program. 


Sa naturang panukala, papayagan sa ilalim ng Adopt-a-School program ang Pilipino o dayuhang indibidwal o organisasyon na tumulong sa mga pampublikong paaralan sa early childhood, elementary, high school, technical-vocational, Alternative Learning System (ALS), at mga kolehiyo. Bibigyang prayoridad ang mga paaralan sa fourth at fifth class municipalities at mga local government unit (LGUs) na may mataas na kakulangan sa pondo, gamit, at may mataas na bilang ng mga high-performing pero nangangailangang mga mag-aaral. 


Sa ilalim ng programa, maaaring tumulong ang pribadong sektor sa mga sumusunod: training para sa teachers at school heads; scholarships para sa mga guro; pagpapatayo ng mga pasilidad tulad ng mga aklatan, laboratoryo, at iyong mga may kinalaman sa kuryente, tubig, at kalinisan; school supplies at iba pang gamit sa pagtuturo; technical vocational livelihood tools at equipment; health at nutrition packages; assistive devices at equipment para sa mga mag-aaral na may kapansanan; at iba pa. 


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, mahalagang pagtibayin ang epektibong pagpapalaganap ng insentibo para sa partisipasyon ng pribadong sektor sa mga pampublikong paaralan.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page