top of page
Search

Pribadong paaralan, start sa Nob. 22... 90 public schools, aprub sa face-to-face classes – DepEd

BULGAR

ni Lolet Abania | October 25, 2021



May kabuuang 90 pampublikong paaralan ang inaprubahan sa ngayon para sa pagpapatuloy ng pilot run ng face-to-face classes ng bansa na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 15, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Lunes.


Sa Palace briefing, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na kinonsidera nila ang naging opinyon ng Department of Health (DOH) sa pagpili ng mga eskuwelahan sasabak sa face-to-face classes.


“As of now, iyong objective natin na maka-reach ng 100 public schools ay 90 na ang ating na-identify,” ani Briones.


Ayon kay Briones, tinatayang nasa 1,900 paaralan ang inisyal na na-qualify para sa pilot run, pagkatapos ay sinala ito at naging 600.


Kasunod nito ang pagre-review ng DOH hinggil sa COVID-19 risk ng mga naturang eskuwelahan na nagresulta sa 329 na lamang.


Sa 90 paaralan, aniya, 93.2% ng kanilang personnel ay mga fully vaccinated na.


Matatandaang sinabi ng DepEd na ilang paaralan ang umatras na sa pilot run ng face-to-face classes kasabay ng pagtanggi ng kanilang local government units (LGUs) at mga magulang na makiisa rito.


Bukod dito, ayon pa sa ahensiya, ang pagtaas ng COVID-19 cases sa lugar ng mga naturang paaralan ang dahilan kaya hindi na sila napasama pa sa pagsisimula ng face-to-face classes.


Samantala, ayon kay Briones ang pilot run ng face-to-face classes para naman sa pribadong paaralan ay nakatakdang magsimula sa Nobyembre 22.


Ani Briones, pinag-iisipan nilang isama ang 20 pribadong eskuwelahan, kabilang na ang international academic institutions.


“Ang formal na [umpisa ng face-to-face classes] ay Nov. 15 [para sa public schools], 22 for the private schools,” sabi ni Briones.


Mula sa inisyal na 100 public schools na makikiisa sa pilot run ng face-to-face classes, hiniling ni Briones na 20 private schools ang idagdag dito na inaprubahan naman ng DOH.


Ayon pa kay Briones sa ngayon, isa lamang na international school ang nag-submit ng kanilang plano para sa face-to-face classes sa DepEd, kung saan ire-review naman ng DOH.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page