top of page
Search

Pribadong eskwelahan, talupan sa isyu ng ‘ghost students’

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Feb. 19, 2025



Boses by Ryan Sison

Ang pagbibigay ng financial assistance sa mga estudyante ay malaking tulong para sa kanilang pag-aaral, subalit paano kung ang mga kabataang ito ay tila bogus at hindi matunton ang kinaroroonan?


Ito ang inaalam ngayon ng Department of Education (DepEd), kung saan may 12 pribadong paaralan mula sa 9 divisions ang kanilang iniimbestigahan dahil sa umano’y pagkakaroon ng “ghost students” na nakalista bilang mga benepisyaryo ng voucher program ng gobyerno pero hindi ma-trace ang kanilang pagkakakilanlan. 


Ang Senior High School Voucher Program ay isang financial assistance program para sa mga estudyanteng nag-aaral sa senior high school sa mga pribadong eskwelahan.


Sa naturang programa, ang mga incoming Grade 11 student na nagtapos ng elementarya sa mga pampublikong paaralan ay awtomatikong makakatanggap ng voucher na nagkakahalaga ng P14,000 hanggang P22,500.


Gayundin, ang mga mag-aaral mula sa mga pribadong paaralan na hindi grantee ng Education Service Contracting Program ng kagawaran ay maaaring mag-apply para mapasama sa nasabing voucher program.


Binigyang-diin ni DepEd Secretary Sonny Angara na kanilang siniseryoso ang mga naturang alegasyon. Anumang uri ng maling paggamit ng kaban ng bayan na nakalaan para sa mga programa sa edukasyon ay hindi nila pahihintulutan. Aniya, ang pagsisiyasat na ito ay kinakailangang hakbang kasabay ng paghahanap nila ng katotohanan at pagpapanagot sa mga responsable rito.


Ayon sa kalihim, nagsimula na ang DepEd ng mga recourse action, kabilang ang preparasyon para sa terminasyon ng akreditasyon ng mga paaralan at pagkalap ng mga ebidensya laban sa mga responsableng indibidwal.


Gayundin, sinabi ni Angara na kanilang iniimbestigahan na ang mga personnel at school officials na posibleng nag-facilitate sa naturang mapanlinlang na mga gawain sa mga pribadong eskwelahan na ito. Habang pinag-aaralan na ng kagawaran ang mga potensyal na mga legal na hakbang laban sa mga mapapatunayang sangkot dito.

Hinimok din niya ang publiko na isumbong sa DepEd ang mga iregularidad sa kanilang programa upang kanilang agad maaksyunan.  


Tiniyak naman ng DepEd na makakatanggap pa rin ang mga apektadong lehitimong benepisyaryo ng programa ng tulong upang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga kabataan nang walang pagkaantala.


Hindi tama na gamitin sa masamang gawain o panloloko ang pondong nakalaan para sa pag-aaral ng ating mga anak, na gaya ng voucher program na ito ng gobyerno. 

Kaya mabuting sinimulan ng kinauukulan ang masusing pagsisiyasat sa mga sinasabing paaralan na dawit sa anomalya. At kung sakaling mapatunayan ang mga ito sa kanilang paglabag dapat lamang na agad silang parusahan. 


Batid naman natin ang krisis sa ating edukasyon na hanggang ngayon ay pilit at nagsusumikap na makaahon, kaya sana ay tumulong tayo sa naturang sektor at huwag nang dagdagan pa ang kanilang paghihirap.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page