top of page
Search
BULGAR

Presyo ng palay, sadsad na naman; mga magsasaka, pakialalayan naman ng DA

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 27, 2021



Sadsad na naman ang presyo kada kilo ng palay sa P10 hanggang P13 dahil sa paparating na panahon ng anihan. Kawawang mga magsasaka.


Pero ang higit na masaklap, mga friendship, inihayag ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na wala umanong ganang mamili ng palay ang mga local miller para hindi raw sila malugi! Ano ba ‘yan? Eh, kasi nga raw dahil ito sa dami ng mga imported rice na dumarating sa bansa.


At tinaya pa ng SINAG na siguradong babagsak pa ang presyo ng palay dahil magsisimula pa lang ang bulto ng anihan sa loob ng isa hanggang dalawang linggo mula ngayon. Juicekoday!


Naalala na naman natin bago pa sumiklab ang COVID-19 pandemic, eh, talagang palugi nang ibinibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga aning palay. At heto na naman ngayon. Hay kaawa-awa na naman ang ating farmers.


Ang malaking problema ngayon, paano na ang mga inaning palay at aanihin pang palay ng mga magsasaka?


IMEEsolusyon lang dito, eh, pakiusapan ulit natin ang Department of Agriculture na bilhin ang palay ng mga lokal na magsasaka sa P16 kada kilo kung basa at P19 per kilo naman kung tuyo.


At harinawa ang NFA, eh, panatilihin ang P19 na pagbili ng tuyong palay na may 14% moisture content bilang tulong na sa ating mga magsasaka kahit sumadsad na naman ang presyo nito kada kilo.


Sa kuwenta ng SINAG, nasa P15 ang ginagastos ng mga magsasaka para makaani ng isang kilong palay. Ngayong nangangailangan ang mga magsasaka ng suporta mula sa pamahalaan, hoping tayo na aalalay sa kanila ang DA at ang economic team ng ating pamahalaan.


Hirit naman natin sa ating mga kasamahan d’yan sa DTI, pakibantayan ang mga bentahan ng bigas sa merkado. Baka naman kasi kahit bagsak-presyo na ang mga palay, eh, may ilang mga negosyante pa ring matututong magsamantala at magtaas ng presyo ng bigas, ‘di ba?! Mabuti nang maagapan kaysa maunahan na naman ng mga mapagsamantalang trader!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page