top of page
Search
BULGAR

Presyo ng kamatis, mala-ginto na

by Info @Editorial | Jan. 8, 2025



Editorial

Lalo pang tumaas ang presyo ng kamatis sa mga pamilihan, batay sa monitoring ng Department of Agriculture (DA).


Sa huling update ng ahensya, umabot na sa P360 kada kilo ang presyo ng kamatis, lalo na ang magaganda ang kalidad. ‘Ika nga ng mga mamimili, mala-ginto na!


Kumbaga, ang isang kilo ng kamatis ay mas mahal pa kesa sa isang kilo ng manok na umaabot lamang sa P240 kada kilo. Ito ay halos katumbas na ng kada kilong presyo ng pork shoulder na kasalukuyang nasa P390 kada kilo.


Ayon sa DA, ang mga medium-sized na kamatis ay aabot na ng P20 kada piraso o mas higit pa.


Una nang sinabi ng ahensya na ang magkakasunod na bagyong tumama sa bansa ang

pangunahing nakaapekto sa suplay at presyo ng mga agricultural products, lalo na ang mga gulay.


Maliban sa kamatis, binabantayan din ang grabeng pagtaas ng presyo ng siling labuyo. Kung saan, batay sa update, umaabot na sa P1,000 ang kada kilo ng siling labuyo mula sa dating P900.


Sa ganitong senaryo, kailangan na ng pamahalaan na maglatag ng mga konkretong hakbang upang matulungan ang mga magsasaka sa pagpapabuti ng kanilang produksyon at pagsuporta sa mga makabagong teknolohiya sa agrikultura. 


Gayundin, mahalaga na magpatuloy ang mga inisyatiba na magpapalakas sa lokal na industriya ng agrikultura upang maging matatag ang suplay at hindi madaling maapektuhan ng kalamidad at pandaigdigang pagbabago.


Sa huli, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng kamatis ay isang paalala na ang mga simpleng bagay na madalas natin ipagwalang-bahala ay may malalim na epekto sa ating pang-araw-araw na buhay. 


Ito rin ay isang hamon sa ating mga mambabatas at lider ng bansa na lumikha ng mga patakaran at estratehiya na magpapaangat sa sektor ng agrikultura na may pinakamalaking papel sa seguridad sa pagkain.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page