ni Jasmin Joy Evangelista | October 26, 2021
Malaki ang paniniwala ng Department of Agriculture na hindi gaanong tataas ang presyo ng gulay sa NCR habang papalapit ang Pasko.
Stable umano ang suplay ng gulay dahil nakababawi na ang mga magsasaka sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
“Masisigurado natin na stable 'yung suplay. Ganun din ang presyo, pero alam natin na dahil nga magpa-Pasko, tumataas ang demand. Natural 'yun magkakaroon ng kaunting dagdag,” ani Agriculture Assistant Secretary Arnel De Mesa.
Nasa 180 metriko toneladang gulay sa ilalim ng KADIWA program ng pamahalaan ang dumating mula Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley Region, at Bicol Region sa Quezon City.
Tuluy-tuloy na rin umano ang pagbagsak ng gulay mula probinsiya patungo sa Metro Manila.
“It only shows na wala tayong problema pagdating sa suplay ng highland at lowland vegetables,” ani De Mesa.
Samantala, patuloy ang pagbibigay ng tulong at ayuda ng pamahalaan sa mga magsasaka upang matiyak ang produksyon ng gulay at kita ng mga magsasaka.
コメント