ni Mary Gutierrez Almirañez | May 5, 2021
Nanatili sa 4.5% ang naitalang inflation rate ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa buwan ng Abril, katulad sa naitalang datos nitong Marso, ayon kay PSA Chief and National Statistician Claire Dennis Mapa sa ginanap na virtual press conference ngayong Miyerkules, Mayo 5.
Aniya, “Ang magkakaibang paggalaw ng presyo sa mga commodity groups nitong Abril 2021 ay nagresulta sa magkaparehong antas ng inflation nitong Abril 2021 at Marso 2021.”
Matatandaang umakyat sa 4.7% ang inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa noong Pebrero.
Kabilang sa naapektuhan ay ang presyo ng elektrisidad, transportasyon at mga bilihin, partikular ang baboy na tumaas sa 20.7% mula sa 17.1% kumpara noong Enero.
Sa ngayon ay patuloy pa ring nararamdaman ng mga konsumer ang nagtataasang presyo ng bilihin at bawat serbisyo sa bansa.
Gayunman, inaasahan pa rin ang dahan-dahang pagbaba nito sa kabila ng lumalaganap na pandemya.
Comments