top of page
Search

Presyo ng baboy, pabigat nang pabigat sa bulsa

BULGAR

by Info @Editorial | Jan. 28, 2025



Editorial

Patuloy na nakararanas ng mataas na presyo ng karneng baboy ang mga mamimili. 

Ang patuloy na pagtaas ng presyo nito ay nagdudulot din ng matinding pasanin sa mga tindero at iba pang negosyante.


Kaugnay nito, posible umanong magtakda na rin ang Department of Agriculture (DA) ng maximum suggested retail price (MSRP) sa mga produktong baboy sa mga pangunahing pamilihan kung patuloy na tataas ang presyo ng mga ito.


Una nang nagsagawa ng inspeksyon sa mga palengke kung saan nakita ang tumataas na gap sa pagitan ng farm gate prices at retail prices.


Napag-alaman na ang bentahan ng mga livestock ng baboy ay nasa P220 hanggang P240 kada kilo habang ang retail prices naman ay P380-P420. Ang pagtatakda ng MSRP sa mga naturang produkto ay para maiwasan ang profiteering o overpricing sa mga pamilihan.


Sa kabilang banda, ang nakikitang dahilan ng mga retailer sa taas-presyo ay ang mga naging kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bansa. Sa ngayon, mas mababa na umano ang bilang ng mga lugar na apektado ng ASF kumpara noong nakaraang taon. 


Hindi maikakaila na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng karneng baboy ay may epekto sa ekonomiya. 


Kailangan ng gobyerno na magsagawa ng mga konkretong hakbang upang mapababa ang presyo ng karneng baboy. 


Isa sa mga maaaring gawin ay ang pagpapalawak ng mga programa para sa pagpaparami ng mga baboy at ang pagpapasigla ng mga teknolohiya sa pagpapalaki ng hayop upang mapababa ang mga gastos. 


Ang mataas na presyo ng karneng baboy ay isang isyu na nangangailangan ng pagtutulungan ng mga sektor ng gobyerno, industriya at mamimili. 


Kung hindi ito mareresolba sa lalong madaling panahon, ang epekto nito sa kalusugan at ekonomiya ay patuloy na magiging malubha. Huwag nating hayaan na ang basic na pangangailangan sa pagkain ay maging isang luxury para sa nakararami.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page