ni Lolet Abania | January 26, 2021
Milyun-milyong baboy ang naitalang nawala sa bansa mula sa kabuuang populasyon nito dahil sa African Swine Fever (ASF), ayon sa pahayag ng Department of Agriculture ngayong Martes.
“Mahigit four million hogs ang nawala sa system. Nagsimula ang 2020, [nasa] 12.7 million hogs, ngayon nasa eight million,” sabi ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes sa isang interview.
Bukod sa culling ng mga ASF-infected na baboy, marami ring mga hog raisers ang hindi na ninanais na bumalik pa sa pag-aalaga ng mga ito dahil sa takot sa naturang sakit.
“‘Yung iba, hindi na nag-alaga ng baboy,” ani Reyes.
Ang kakulangan ng supply ng karne at buhay na baboy ang dahilan din kaya matindi ang pagtaas sa presyo nito na umaabot sa P400 kada kilo sa Metro Manila.
“‘Yung pagtaas ng presyo ng baboy ay bunsod ng epekto ng ASF mula pa noong nakaraang taon. Noong 2019 pa ‘yan, eh, kaya bumaba talaga ang populasyon,” sabi ni Reyes.
“‘Yung kakulangan na ‘yan, nag-manifest na... last year maganda pa ang presyo natin, P270 to P300, sumipa ang presyo ng holiday season, [naging] P400 noong Christmas, ngayon, hindi bumababa,” dagdag ng opisyal.
Sa kabila ng problema sa pagbaba ng populasyon ng mga baboy, ayon sa DA official, makatwiran na sa P200 farm gate price ay dapat magkaroon lamang ng profit margin na P80 hanggang P100.
Aniya, “So dapat, P300 [per kilo] pero dito sa Maynila, eh, P400 pa rin, so may nagsasamantala.”
Gayunman, para mapigilan ang lalong pagtaas ng retail prices ng baboy at manok, inirekomenda na ng DA kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng price freeze sa mga nasabing produkto, kung saan P270 kada kilo ang kasim at pigue, P300 kada kilo ang liempo, at P160 kada kilo ang karne ng manok.
“Kulang sa ngipin kasi ang SRP (suggested retail price), hanggang doon lang suggested, so pakiusap, sa price freeze, puwedeng kasuhan agad ang hindi sumusunod sa price level,” ayon kay Reyes.
Hinihintay pa ng DA ang magiging desisyon ng Palasyo patungkol sa rekomendasyon ng ahensiya.
Comentarios