by Info @Buti na lang may SSS | Nov. 17, 2024
![Buti na lang may SSS](https://static.wixstatic.com/media/2fdd27_5fbee495b990424e9dd6fb0e4ae5384b~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/2fdd27_5fbee495b990424e9dd6fb0e4ae5384b~mv2.jpg)
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay kasalukuyang nagtatrabaho sa isang construction firm. May tanong ako ukol sa SSS sickness benefit. May prescriptive period ba ang sickness benefit? Salamat. — Ava
Mabuting araw sa iyo, Ava!
Ang SSS sickness benefit ay cash allowance na ibinabayad sa miyembro para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan.
Mayroong prescriptive period ang filing ng sickness benefit. Binibigyan ng limang araw mula sa unang araw ng kanyang pagkakasakit ang isang miyembro upang abisuhan ang kanyang employer. Limang araw din ang ibinibigay sa employer para i-notify niya ang SSS sa pagkakasakit ng kanyang empleyado.
Ngunit, kung ang miyembro ay nasa hospital confinement, binibigyan siya ng isang taon mula sa araw ng kanyang pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan upang i-file ang kanyang sickness benefit claim. Hindi na kailangang ipagbigay-alam pa ang kanyang pagkakasakit kung ang miyembro ay naospital o nagkasakit habang nagtatrabaho sa loob ng kanyang kumpanya.
Ibinibigay ito sa mga kuwalipikadong miyembro na hindi makapagtrabaho ng hindi kukulangin sa apat na araw. Dapat nakapaghulog din siya ng hindi bababa sa tatlong buwanang kontribusyon sa loob ng huling 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan. Para naman sa mga empleyado, dapat ay nagamit na niya ang lahat ng kanyang kasalukuyang sick leaves sa kumpanya. Mahalaga rin na naabisuhan o nabigyan niya ng notipikasyon ang kanyang employer.
Halimbawa, na-confine ka sa ospital mula Mayo 25 hanggang Hunyo 2, 2024. Ang semestre ng iyong pagkakasakit ay mula Enero hanggang Hunyo 2024. Hindi natin isasama sa bilang ng komputasyon ng iyong naihulog sa SSS ang panahong ito dahil ito ang semestre ng iyong pagkakasakit. Kaya, ang huling 12 buwan bago ang semestre ng iyong pagkakasakit ay mula Enero hanggang Disyembre 2023. Sa panahong ito naman ay dapat mayroon kang hindi bababa sa tatlong buwanang kontribusyon upang maging
kuwalipikado sa benepisyong ito.
Kung ang miyembro ay isang self-employed o voluntary member, siya naman ay direktang magpa-file ng kanyang sickness benefit application sa SSS dahil wala siyang employer gamit ang kanyang My.SSS account. Kaya mahalaga na ang isang miyembro ay nakarehistro sa My.SSS Portal na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph, at nakapag-enroll ng kanyang bank/savings account sa ilalim ng Disbursement Account Enrolment Module (DAEM) na matatagpuan din sa My.SSS Portal.
Samantala, online rin ang pagsusumite ng SSS sickness notification at Sickness Benefit Reimbursement Application gamit ang My.SSS account ng employer.
Nakapaloob sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, pinapaunang bayaran ng employer ang kanyang empleyado ng sickness benefit. Ang employer naman ang babayaran ng SSS matapos maisumite nito ang SSS Sickness Benefit Reimbursement Application online. Magpapadala ang SSS ng notification sa empleyado upang isesertipika niya ang paunang bayad ng kanyang sickness benefit. Kaya kung hindi pa paunang naibayad ang sickness benefit, huwag nila itong isertipika at dapat i-report ito sa SSS upang maituro sa employer ang tamang paraan ng pagbibigay ng sickness benefit.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
Comments