top of page
Search

Pres’l at VP bets, bumoto na para sa Halalan 2022

BULGAR

ni Lolet Abania | May 9, 2022



Si Senator Panfilo Lacson ang kauna-unahang presidential candidate na bumoto para sa Halalan 2022 ngayong Lunes nang umaga. Ginawa ni Lacson ang pagboto sa Bayan Luma 1 Elementary School sa Imus, Cavite.


Sa ulat ng GMA News, ang senador ay nasa polling center na bago pa mag-7:00 ng umaga, habang natapos na bumoto si Lacson, pasado alas-7:00 ng umaga.


Ayon sa Commission on Elections (Comelec), ang voting hours ay mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.


Maaga ring sinimulan ng dating senador at presidential candidate na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagboto para sa eleksyon ngayong Lunes.


Pasado alas-7:00 ng umaga bumoto si Marcos sa Mariano Marcos Memorial Elementary School sa Batac, Ilocos Norte. Kasama niya ang kapatid na si Irene at anak na si Sandro.

Ilang mga supporters ni Marcos ay maririnig ang pag-chant ng “BBM!” nang lumabas ito sa klasrum matapos na makaboto.


Ang asawa naman ni Marcos na si Liza, at si Sandro ay bumoto sa Calayab Elementary School sa Laoag City. Habang si dating First Lady Imelda Marcos ay bumoto sa Batac.

Matapos na makaboto, ang mag-amang Bongbong at Sandro ay nagtungo sa Batac Church para manalangin.


Si Marcos, na standard bearer ng Partido Federal ng Pilipinas, ang siyang nanguna sa iba’t ibang pre-election presidential surveys.


Ginawa ni Vice President at presidential bet Leni Robredo ang kanyang pagboto sa Magarao, Camarines Sur.


Pumila ng halos dalawang oras si Robredo bago siya nakaboto sa Carangcang Elementary School sa Magarao, Camarines Sur, kung saan home province niya.


Sa kanyang miting de avance, tiniyak ni Robredo sa publiko na aayusin niya ang sirang sistema ng gobyerno habang tututukan ng kanyang administrasyon at pagtatrabahuhan ang mga nararapat na solusyon upang mapagaan ang nararanasang hirap ng mga nangangailangan.


Sinabi rin ni Robredo, na walang dapat na ikatakot sa araw ng eleksyon dahil aniya, walang makakukuha sa tinatawag na power of the people na maghalal ng lider na sa tingin nila ay nararapat.


Tatlong buwan matapos ang campaign period sa buong bansa, bumoto para sa eleksyon si Manila Mayor at presidential candidate Francisco “Isko” Moreno sa Manila. Isinagawa ni Moreno ang pagboto sa Magat Salamat Elementary School sa Tondo, kung saan masaya siyang binati habang nagtse-cheers ang mga residente ng Maynila.


Bumoto si presidential candidate at Senator Manny Pacquiao bago magtanghali ngayong 2022 national at local elections.


Sa Kiamba Central School SPED Center sa Kiamba, Sarangani, ginawa ni Pacquiao ang kanyang pagboto.


Si Pacquiao ay tumatakbo sa ilalim ng Probinsya Muna Development Initiative o PROMDI, subalit pinili rin siya bilang presidential bet ng Pimentel faction ng PDP-Laban.


Nakaboto na rin si vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte sa Davao City ngayong 2022 elections.


Si Duterte ay nasa ilalim ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), at bumoto sa Daniel R. Aguinaldo National Highschool, Davao City, pasado alas-9:00 ng umaga. Kasama niya sa polling precinct ang asawang si Atty. Manases Carpio.


Si Mayor Sara ang running mate ni presidential aspirant Bongbong Marcos.


Isinagawa ni vice presidential candidate at Senate President Vicente Sotto III ang pagboto sa Barangay White Plains, Quezon City ngayong eleksyon.


Kasama ni Sotto ang kanyang asawa at aktres na si Helen Gamboa, na dumating pasado alas-10:00 ng umaga sa White Plains Covered Court.


Si Sotto ay tumatakbo sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition, habang running mate niya si Senator Panfilo Lacson.


Si Senator Francis “Kiko” Pangilinan, na tumatakbong bise presidente para sa 2022 elections, ay bumoto sa Silang, Cavite ngayong Lunes.


Si Pangilinan, kasama ang asawa at aktres na si Sharon Cuneta, ay nakaboto matapos ang tatlong oras na pagpila sa Inchican Elementary School.


Si Pangilinan ang running-mate ni VP Leni Robredo.


Ang running mate ni Manila Mayor Isko Moreno na si Dr. Willie Ong ay nakaboto na rin para sa Halalan 2022.


Si Ong na vice-presidential bet ng Aksyon Demokratiko ay bumoto sa Dasmariñas Village Clubhouse sa Makati City.


Ginawa ngayong Lunes nang tanghali ni vice presidential candidate at House Deputy Speaker Lito Atienza ang pagboto sa Rafael Palma Elementary School sa Manila.


Pinayagang makaboto si Atienza na nasa wheelchair sa labas ng polling precinct habang siya ay nagrerekober mula sa isang knee surgery, kung saan isang larawan ang ipinakita ng kanyang staff.


Si Atienza ang running-mate ni presidential bet Senator Manny Pacquiao.


Kapwa tumatakbo sila sa ilalim ng Probinsya Muna Development Initiative o PROMDI.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page