ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 15, 2023
Nananatiling prayoridad ko ang kalusugan ng bawat Pilipino. Sa aking kapasidad bilang Senador at Chair ng Senate Committee on Health, patuloy ako sa aking adhikain na mas mapalakas pa ang ating healthcare system sa hangaring mapagkalooban ng maaasahan na serbisyong medikal ang ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap at walang ibang malalapitan. Kaya bukod sa pagpapatuloy ng mga Malasakit Center at pagtatatag ng Super Health Centers sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa, suportado natin ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos, Jr. na magtayo ng specialty centers sa iba pang mga rehiyon. Ang pagtatayo ng specialty centers ay kabilang sa health-related legislative agenda na nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023-2028 na nilagdaan ng ating Pangulo. Sa Senado, patuloy nating isinusulong ang pagpasa ng aking isinumiteng panukalang-batas, ang Senate Bill No. 1321 o Specialty Centers in Every Region Act of 2022. Kung maisasabatas, layunin nito na magtatag ng regional specialty centers sa mga ospital ng Department of Health (DOH) sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Maraming kababayan natin sa malalayong probinsya ang kailangan pang bumiyahe sa Metro Manila para lang magpagamot sa specialty centers. Noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, napakaraming lumalapit sa amin, hindi lang para magpagamot, humihingi rin ng pamasahe para bumiyahe sa mga specialty hospitals na kayang gumamot sa kanila tulad ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, Philippine Children’s Medical Center, at National Kidney and Transplant Institute, na lahat ay nasa Kamaynilaan. Kung magkakaroon ng mga dagdag na specialty centers maging sa labas ng Metro Manila, hindi na mahihirapan ang mga Pilipino nasaan man silang sulok ng bansa dahil mas mapapalapit sa kanila ang specialty health facilities. Kung tutuusin, sabi ko nga, pera naman nila ito, ibalik natin sa kanila sa pamamagitan ng maayos at mabilis na serbisyo. Isa pang isyung pangkalusugan na ating tinututukan ay ang mental health, lalo na sa ating kabataan. Patuloy din nating isinusulong sa Senado ang pagpasa ng ating isinumiteng Senate Bill No. 1786, na kung maisasabatas ay aatasan ang public higher education institutions (HEIs) na magtayo ng Mental Health Offices sa kani-kanilang campus, at mag-empleyo ng karagdagang HEI-based mental health service personnel. Gaya ng ibang isyung pangkalusugan, mahalagang matugunan ang mental health disorders. Maraming apektado ng depresyon noong panahon ng pandemya at hanggang ngayon. Kailangang mabigyan ng espesyal na atensyon ang mga matutukoy na may mental health problems, lalo na ang mga may tendency na mag-suicide. Samantala, iro-rollout na sa general population ang ikalawang COVID-19 booster shot.
Inihayag ito ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire noong Abril 12, sa ginanap na DOH Media Forum. Batay aniya sa updated emergency use authorization ng Food and Drug Administration (FDA) at positibong rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council, maaari na nating magamit ang mga bakuna na mayroon tayo ngayon upang makapag-second booster na ang mga kuwalipikado rito. Hinihintay na lang ang implementing guidelines bago simulan ang rollout ng second boosters para sa general population. Kaya muli, nananawagan ako sa ating mga kababayan na hindi pa bakunado at wala pang booster na huwag nang magpatumpik-tumpik pa. Tandaan natin na kapag bakunado, mas protektado! Tuluy-tuloy naman ang ginagawa nating paglalapit ng serbisyo sa ating mga kababayan.
Ngayong araw, biyaheng Cebu City tayo para pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga pamilyang biktima ng magkahiwalay na insidente ng sunog sa Barangay Ermita at Barangay Bulacao. Tumuloy naman tayo sa Dipolog City para mag-inspeksyon sa itinatayong Super Health Center du’n, at pagkatapos ay personal nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa mahihirap na residente sa lugar. Nagsagawa rin tayo ng monitoring visit sa Malasakit Center na nasa Zamboanga del Norte Medical Center. Kahapon, Biyernes, personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa higit 200 residenteng nasunugan sa Bgy. Pinagbuhatan, Pasig City, habang ang aking opisina naman ay nagdala rin ng tulong sa 77 pamilyang nasunugan sa Bgy. Sta. Lucia at Kalawaan sa parehong siyudad. Nahatiran din ng para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 72 residente ng Bgy. Don Galo, Parañaque City na personal kong binisita; at 39 pang residente ng Bacoor City, Cavite. Naabutan din ng tulong ang 100 pasyente sa Bataan na sumasailalim sa dialysis, gayundin ang mahihirap na pamilya sa Marilao, Bulacan na kinabibilangan ng 33 indibidwal. Masaya tayo kapag nakikitang may mga kababayan tayong natutulungan at nakakapag-iwan tayo ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati. Nagsisilbing karagdagang lakas ‘yun sa atin na makapagserbisyo pa sa abot ng ating makakaya. Sa aking kapasidad, patuloy kong gagampanan ang tungkuling ibinigay n’yo sa akin, at maraming salamat sa patuloy na pagtitiwala sa isang simpleng probinsyanong ang bisyo ay magserbisyo.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
留言