ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Feb. 6, 2025
Malapit nang maisabatas ang ating panukalang paigtingin ang paghahatid ng mga programa at serbisyo para sa early childhood care and development (ECCD), kung saan patatatagin natin ang pundasyon ng ating mga kabataan, lalo na iyong mga batang wala pang limang taong gulang.
Niratipikahan ng Senado noong nakaraang Martes, Pebrero 4, ang bicameral conference committee report sa Early Childhood Care and Development System Act (Senate Bill No. 2575 at House Bill No. 10142) na isinulong ng inyong lingkod.
Ano nga ba ang ECCD System at paano nito patatatagin ang pundasyon ng ating mga mag-aaral? Sa ilalim ng ating panukala, sasaklawin ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang pangkalusugan, nutrisyon, early childhood education, at social services development na tutugon sa pangangailangan ng mga kabataang wala pang limang taong gulang. Sa ilalim ng ECCD System, tututukan natin ang pinakamabuting kalagayan ng mga bata sa kanilang paglaki.
Upang matiyak na maaabot natin ang lahat ng mga batang wala pang limang taong gulang, magiging saklaw ng ECCD System ang lahat ng mga probinsya, siyudad, munisipalidad at barangay. Pagsisikapan nating makamit ang universal ECCD access para sa mga batang wala pang limang taong gulang.
Magiging responsibilidad ng mga local government units ang pagpapatupad ng ECCD System, kabilang ang mga programa at serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.
Magiging mandato sa mga probinsya, lungsod, at munisipalidad ang paglikha ng ECCD Office na sasailalim sa administrative supervision ng gobernador o alkalde. Ang ECCD Office ang maghahatid ng mga programa at serbisyo sa ilalim ng ECCD System, kabilang ang pangangasiwa sa mga Child Development Teachers (CDTs) at Child Development Workers (CDWs).
Patatatagin din natin ang ECCD Council upang matiyak nating mabibigyang prayoridad ang development at pagkatuto ng mga batang wala pang limang taong gulang. Sa ilalim ng ating panukala, ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government ang magsisilbing ex-officio chairperson for Local Government Mobilization and Overall Implementation, habang ang kalihim ng Department of Education ang magiging ex-officio co-chairperson for ECCD Curriculum, at lahat ng mga bagay na may kinalaman sa early childhood education. Ang executive director ng ECCD Council Secretariat ang magsisilbing ex-officio vice-chairperson ng Council.
Isinusulong din natin ang professionalization ng mga CDTs at ang upskilling at reskilling ng mga CDWs. Magiging mandato sa mga kasalukuyang CDWs ang reskilling at upskilling training programs sa ECCD o early childhood education, kung saan dadaan sila rito. Kailangan nilang sumailalim sa assessment at makapasa ng certification mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Magiging libre naman ang kanilang assessment at certification.
Kung mapapatatag ang pundasyon ng ating mga kabataan, matitiyak nating mas maganda ang kinabukasang haharapin nila.
Nagpapasalamat naman tayo sa ating mga kapwa mambabatas na naging katuwang natin sa pagsulong ng repormang ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments