top of page
Search
BULGAR

Prayoridad ang kalusugan ng mga estudyante ngayong balik-eskuwela ulit!

ni Grace Poe - @Poesible | September 13, 2021



Ngayong araw, simula na ng pasukan ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan sa ating bansa.


Ikalawang taon nang magpapasukan pero ang mga estudyante, nasa bahay pa rin. Lahat nagsasabing mas mahirap ang pag-aaral sa bahay. Para sa may online schooling, malaking hamon ang hindi maasahang internet connection at limitadong espasyo sa tahanan.


Nand'yan din ang hirap ng paggabay sa mga anak na modular ang pag-aaral. Ang masaklap, hindi na bata ang nagsasagot sa ilang modules at aktibidad kundi magulang para lang makapagpasa sa takdang deadline. Naging biro na tuloy na ngayong panahong ito, ang dapat bigyan ng honor ay ang mga nanay, tita, at lola na gumagawa ng mga asignatura sa paaralan.


Noong Sabado, nakapagtala tayo ng 26,303 na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, ang pinakamataas na bilang mula noong nagsimula ang pandemya. Lalo at walang bakuna pa para sa mga bata, hindi natin sila basta mapalalabas para sa kanilang kaligtasan.


Samantala, iniintindi rin natin ang “learning loss” na nagaganap dahil hindi lahat ay nakapag-aaral. Maraming magulang ang pinahinto muna ang kanilang mga anak sa pag-aaral habang pandemya dahil walang magagamit na gadget ang mga anak para sa online learning. Problema rin ang tututok o magbabantay sa mga mag-aaral sa pagsasagot ng modules.


Ngayong simula na ng pasukan, isaisip natin palagi na ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga anak ang prayoridad. Hamon para sa lahat ang remote learning. Habang nasa bahay, pilitin nating mabigyan ang ating mga mag-aaral ng kapaligirang angkop sa pagkakatuto. Alalayan natin sila pero huwag tayo ang gumawa ng mga aktibidad na para sa kanila.


Hindi ligtas ang mga bata sa Delta variant ng COVID-19. Nakita natin ito sa dami ng pediatric cases sa ating bansa mismo. Habang hindi pa umaabot sa mga bata ang pagbabakuna, bigyan natin ng proteksiyon ang ating mga anak sa pamamagitan ng pag-iingat para sa kanila. Huwag natin silang ihawa ng karamdaman. Magpabakuna kung maaari na at sundin ang lahat ng safety protocols kapag lumalabas para maiwasang makapag-uwi ng sakit sa mga tahanan.


Manatiling ligtas, mga bes.

0 comments

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page