top of page
Search
BULGAR

Prayoridad ang kalusugan ng bawat Pinoy

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 6, 2022


Sa paghahanda para sa 19th Congress ay wala tayong sinayang na sandali at agad nating isinumite ang mga panukalang batas sa ating hangarin na mabigyan ang mga Pilipino ng mas komportableng buhay. Dahil din sa suporta ng ating mga kasamahan sa Senado ay patuloy nating gagampanan ang pagiging Chair ng Committee on Health at ng Committee on Sports.


Buo ang ating suporta sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. At bilang tugon sa kanyang panawagang gawing mas adaptable at resilient ang bansa, at sa pagpapatuloy ng adhikaing magbigay ng mas komportableng buhay sa mga Pilipino na inumpisahan ni dating pangulong Rodrigo Duterte, naghain ang inyong lingkod ng mga piling batas ngayong 19th Congress.


Napakahalaga ng kalusugan ng bawat Pilipino. Kaya marami sa mga prayoridad na panukalang batas na agad inihain ay sa aspetong ito nakatutok.


Isa sa mga isinumite nating panukalang batas ang “Annual Medical Check Up covered by PhilHealth” na kung maisasabatas, ang PhilHealth ang sasagot sa gastos para sa libreng medical check-up ng lahat ng Pilipino taun-taon. Walang babayaran ni sentimo dahil magiging bahagi ito ng Comprehensive Outpatient Benefits Program. Kasama sa medical check-up ang screening, physical examination, laboratory tests at konsultasyon.

Dahil masyadong mahal ang magpa-dialysis, ipinanukala natin ang “Comprehensive Dialysis Benefit Package” para sa libreng dialysis ng lahat ng miyembro ng PhilHealth. Inaatasan din nito ang PhilHealth na maging mahigpit sa pag-aanalisa ng mga claims na may kinalaman sa dialysis.


Para mas maihanda ang mga nurse at mapalakas ang medical workforce, ipinanukala natin ang “Advanced Nursing Education”. Bukod sa basic program para sa nursing education, magkakaroon ng post-baccalaureate nursing program para magkaroon din sila ng skills at karanasan sa iba pang aspeto ng kanilang propesyon at magtuluy-tuloy ang pagkatuto.


Patuloy ang pag-usbong ng mga bagong sakit, gaya ng COVID-19, kaya ipinanukala natin ang pagkakaroon ng “Center for Disease Control and Prevention” na siyang magiging pangunahing ahensya sa pag-aaral at pagkontina sa mga nakahahawang sakit.


Isinumite rin natin ang panukala para sa pagtatayo ng “Virology Science and Technology Institute of the Philippines” na magkakaroon ng mahalagang papel para sa surveillance, diagnosis at monitoring ng viral diseases. Kasama ang pag-aaral at pagde-develop ng mga gamot at posibleng bakuna laban sa sakit para hindi na tayo aasa pa sa ibang bansa.


Maraming aksidente ang nagaganap sa ating mga lansangan. Isinulong natin ang “Emergency Medical Services System” para ang mga medical personnel na tumutugon sa anumang medical emergency ay may sapat na kaalaman, kakayahan at handa sa ganitong sitwasyon. Bukod sa emergency personnel, may nakatalagang mga sasakyan at dispatch centers sa bawat LGUs. Aatasan din ang National Telecommunications Commission at ang Emergency Medical Services System Council para magkaroon ng nationwide emergency hotline number.


Para matiyak kung ang gaano kalaki ang hurisdiksyon ng Insurance Commission (IC) sa Health Maintenance Organization (HMO), isinumite natin ang panukalang “Amendments to the Insurance Code”. Magiging saklaw ang mga HMOs ng mga probisyon sa Insurance Code na hindi klaro sa Executive Order 192 s. 2015 (EO 192) para magkaroon ang IC ng mas mahigpit na superbisyon sa HMOs at mabigyan ng mas malaking proteksyon ang publiko bukod sa PhilHealth.


Kailangan sa mga komunidad na malayo sa ospital ang serbisyo ng mga barangay health workers. Kaya inihain natin ang “Barangay Health Workers Compensation and Incentives bill”. Ang kabuuang bilang ng BHWs kada barangay ay hindi dapat bababa sa dalawa o mahigit sa porsyento ng kabuuang populasyon ng barangay. Tukuyin din ng panukala ang kompensasyon at insentibo na ipagkakaloob sa lahat ng BHWs.


Personal nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 1,370 residente ng Bgy. Peñaplata, Island Garden City of Samal. Napagaan natin ang dalahin ng mga benepisaryo na kinabibilangan ng TODA members, vendors, solo parents, mangingisda, senior citizens at mga kapos ang kinikita para sa kanilang pamilya.


Naghatid din tayo ng tulong sa Davao Oriental para sa 2,000 indigent na residente ng San Isidro; at 2,000 din sa Governor Generoso.


Nagbago man ang administrasyon, tuloy pa rin ang inyong Kuya Bong Go sa paghahatid ng serbisyong maaasahan, walang pinipiling paglingkuran at may malasakit. Wala tayong ibang hinahangad kundi ang maglingkod sa inyo—dahil ang paglilingkod sa kapwa ay paglilingkod din sa Diyos.


Marami pa tayong kinahaharap na pagsubok, ngunit kung ipagpapatuloy natin ang pagkakaisa at pagbabayanihan, lahat ito ay ating malalampasan!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page