ni Jeff Tumbado | May 9, 2023
Ganap nang inilipat ang mga kaukulang tungkulin, ari-arian, at dokumento ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa BARMM Land Transportation Franchising and Regulatory Board (BLTFRB) mula sa LTFRB Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO) XII.
Sa isang pagdiriwang na idinaos sa LTFRB Central Office, pinangunahan ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III ang turn-over o ang pagsalin ng digital copy ng mga franchise document o dokumento ng mga rutang nasasakupan ng BARMM.
Kabilang sa mga dumalo sa programa sina LTFRB Board Member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes at Executive Director Atty. Robert Peig.
Gayundin sina LTFRB Region XII Regional Director Paterno Reynato Padua at Atty. Paisalin Tago na ministro ng Ministry of Transportation and Communications (MOTC) ng BARMM.
Nagpaabot din ng pasasalamat kay Chairman Guadiz si Atty. Tago para sa makasaysayang hakbang na pakikinabangan ng BARMM.
Alinsunod sa Board Resolution No. 025, kinakailangan nang ilipat ang lahat ng mga ari-arian, digital record, prangkisa, special permit, provisional authority, at kaukulang dokumento ng mga ruta na nasa ilalim ng BARMM mula sa LTFRB Region 12 matapos mabigyan ng buong kapangyarihan at otoridad ang BLTFRB na pamunuan ang nasasakupan nito.
Comments