ni Mylene Alfonso | July 6, 2023
Pinanatili ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang pangako nito na maingat na pamamahala sa pananalapi.
Ito ay sa pamamagitan ng Medium-Term Fiscal Framework (MTFF), na nagsisilbing blueprint ng pamahalaan upang mapababa ang fiscal deficit nang hindi nagdaragdag ng inflationary pressures.
Sa unang limang buwan ng 2023, ang deficit ng National Government ay P326.3 bilyon kung saan bumaba ng 28.9% kumpara sa parehong panahon noong 2022.
Kaugnay nito, bumaba umano ang inflation rate sa ikalimang magkakasunod na buwan noong Hunyo 2023 sa 5.4%, mula sa 6.1% noong Mayo at sa pinakamababang antas nito mula noong 5.4% na naitala noong Mayo 2022 sa ilalim ng pamahalaan ni Marcos.
Nabatid na ang June inflation rate ay nasa loob ng 5.3 hanggang 6.1 percent forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at napirmi sa ibaba ng median na pagtatantya na 5.5% ng mga pribadong analyst.
Ang patuloy na downtrend na ito ay pangunahin dahil sa mas mabagal na pagtaas ng pagkain at mga inuming hindi alkohol, transportasyon, at pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang mga panggatong.
Bumagal ang seasonally adjusted month-on-month (MoM) inflation sa 0.1 percent noong Hunyo 2023, mula sa 0.3 percent monthly rate noong nakaraang buwan.
"Maraming trabaho ang naghihintay upang epektibong ibalik ang inflation sa target at matiyak ang matatag na presyo. Ang pangkat ng ekonomiya ay handang harapin ang mga darating na hamon at ibaba ang halaga ng pamumuhay, habang pinapaunlad ang isang matatag na kapaligirang pang-ekonomiya na nakakatulong sa paglago at katatagan ng macroeconomic,” ani Finance Sec. Benjamin E. Diokno.
Patuloy na pinagsasama-sama umano ng gobyerno ang mga pagsisikap upang matiyak ang napapanahong pagsusuri ng demand at supply ng mga pangunahing bilihin sa pamamagitan ng Inter-agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO), na ginawang pormal at nilikha sa pamamagitan ng Executive Order No. 28, serye ng 2023.
Muli ring binuo ng Pangulo ang El Niño Task Force upang matugunan ang mga potensyal na epekto sa produksyon ng pagkain.
Commentaires