top of page
Search
BULGAR

Pramis ni P-BBM na walang mawawalan ng trabaho sa PUVMP, dapat tuparin!

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | March 11, 2023



Parang binuhusan ng malamig na tubig ang nagpupuyos na damdamin ng mga kababayan nating operator at tsuper, na naging sanhi ng pagbabalik-pasada nang marinig nila ang pangako ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) na walang mawawalan ng trabaho.


Nakakita ng kaunting pag-asa ang transport sector sa binitawang kataga ni P-BBM, na walang mawawalan ng kabuhayan sa isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na naging mitsa ng tigil-pasada kamakailan.


Naganap ang pangakong ito sa ikalawang araw ng tigil-pasada na isinagawa ng grupong Piston at Manibela, matapos silang ipatawag sa Palasyo upang pag-usapan ang dahilan ng kanilang ipinag-aalburoto, na humantong naman sa pagbabalik na sa kanilang pamamasada.


Lumalabas sa hinaing ng transport group na labis silang nangangamba na baka hindi umano sila mapautang ng pamahalaan para makabili ng bagong sasakyan, na isa rin sa pangunahing dahilan kaya humantong sila sa tigil-pasada.


Dahil sa pangyayaring ito, tila napukaw ng transport group ang natutulog na kamalayan ng pamahalaan, kaya kabilaan agad ang mga ginanap na dayalogo—kabilang na ang Senado na wala namang kinahinatnan, kaya marahil nanghimasok na ang Palasyo.


Mismong si P-BBM ang nagbigay ng pahayag na ang prayoridad umano ng programa ay ang kaligtasan ng publiko at mga pasahero, kaya pinag-aaralang mabuti ng gobyerno ang mga bagay-bagay hinggil sa pagpapalit ng mga jeepney at bus nang hindi kailangang magdusa ang mga transport worker.


Noong Martes ng gabi, hinarap nina Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Cheloy Garafil at Undersecretary Roy Cervantes ng Office of the Executive Secretary ang mga lider ng Piston at Manibela na isang napakagandang hakbangin.


Dahil sa pagpupulong, nakita at narinig ng pamahalaan ang hinaing, hindi lang ng dalawang samahang ito, kundi halos lahat ng transport group sa buong bansa na humantong sa desisyong itigil na ang transport strike.


Isa rin sa nagpahupa ng sitwasyon ang utos ni P-BBM sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na muling pag-aralan ang Department Order No. 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines (OFG).


Kahit wala pang direktiba na tuluyan nang ibasura ang nabanggit na Department Order, nagsilbing preno ang kautusan na pag-aralan muna ito upang matiyak na naisaalang-alang ang bawat aspeto ng implementasyon ng programa, kabilang ang pagdinig sa mga hinaing ng mga driver at operator.


Ibig sabihin, para humupa ang sitwasyon, gagamitin ang itinakdang extension na hanggang Disyembre 31, 2023 na consolidation upang mapag-aralan ang mga probisyon ng OFG para maplantsa ang mga hindi pagkakaintindihan sa modernisasyon.


Kumbaga, parang tinuturukan lamang ng anesthesia ang mga operator at tsuper para kumalma, ngunit pagsapit ng itinakdang araw ay walang kasiguraduhan kung ano ang naghihintay sa kanilang kapalaran maliban sa napakagandang pangako.


Sabagay, hindi naman natin tinatawaran ang pangako ni P-BBM dahil alam nating hindi naman ito gagawa ng hakbang na ikasasama ng bansa, ngunit dapat nating maintindihan na iba ang pangako at ibang usapin naman ang pagtupad nito.


Ngayon, heto at ayaw namang magpahuli ng LTFRB na nagpahayag na wala umanong sapilitan o hindi pipilitin ang sinumang jeepney driver na ayaw sumama sa consolidation o kooperatiba na bahagi ng PUVMP.


Sinabi mismo ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III nang humarap sa pagdinig ng House committee on transportation noong Huwebes, matapos itong kuwestiyunin hinggil sa tila sapilitan o pag-oobliga sa mga jeepney driver na sumali sa kooperatiba o korporasyon kahit ayaw nila.


Maliwanag na inanunsiyo ni Chairman Guadiz na hindi umano pipilitin ang mga tsuper o operator na ayaw sumali sa consolidation o kooperatiba, pero puwede umano silang magtayo ng sariling korporasyon na tila umiikot lang ang paliwanag ngunit iisa rin ang tinutumbok.


Pero tandaan natin na kasabay ng pagdinig, muling nilinaw ng DOTr na walang mangyayaring jeepney phaseout pagdating ng itinakdang deadline para sa consolidation sa Disyembre 31, 2023.


DOTr ang nagsabi niyan at hindi LTFRB.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page