ni Mylene Alfonso @News | July 18, 2023
Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ginagawa na ng kanyang administrasyon ang lahat upang matupad ang kanyang pangako sa kampanya na ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
"Iyong ating hangarin na 20 pesos na bigas [kada kilo] eh wala pa tayo roon, pero ginagawa natin ang lahat," wika ni Marcos sa kanyang talumpati sa nationwide launching kahapon ng Kadiwa ng Pangulo program sa San Fernando City, Pampanga.
"Ang programa ng Kadiwa ay napakasimple lamang... [Ang] ginagawa natin ay pinapalapit natin sa magsasaka ang palengke. Kaya iyang mga middleman at added cost ay binabawasan natin nang husto iyan," ayon pa sa Pangulo.
Nabatid din na layunin ng proyekto na mabigyan ng direktang mapagbebentahan ng kani-kanilang produkto ang mga magsasaka, mangingisda at maging ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Comentários