ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 01, 2021
Dear Sister Isabel,
Biyuda ako at senior citizen na. Sa awa ng Diyos, may kaunti akong pension at ibinibigay ng anak ko sa abroad dahil ako ang caretaker ng bahay niya. Okay lang naman sa akin dahil mahilig talaga akong mapag-isa. Payapa at panatag ang buhay ko, gayundin, ang sarap sa pakiramdam kapag hindi maingay at nag-iisa lang ako dahil mahilig akong magsulat. Ganadong-ganado akong magsulat ng mga kuwento at iba pa kapag ganito ang paligid. Madasalin din ako at feel na feel ko ang presence ng holy spirit sa loob at labas ng bahay.
Ang problema ko ay tungkol sa anak at mga apo ko dahil lumipat na sila rito. Masaya naman ako na kasama sila, habang nasa Saudi ang aking manugang. Kaya lang, napansin ko na mahina na ang mga tuhod ko at halos hindi na makalakad. Hindi na rin ako tinatablan ng gamot. Hindi ko naman maasahan na alagaan o alalayan ako ng anak ko dahil inaalagaan niya ang mga bata na maliliit pa.
May sarili akong bahay sa probinsiya at balak kong doon na lang tumira para hindi maging pabigat sa anak ko. Pero ang isa pang gumugulo sa isip ko ay mawawalan sila ng kasama dahil sila-sila na lang mag-iina ang narito.
Ibinilin kasi sa akin ng manugang ko samahan ko sila para hindi siya nag-aalala habang siya ay nasa Saudi. Ano ang dapat kong gawin?
Nagpapasalamat,
Rowena ng Batangas
Sa iyo, Rowena,
Maraming salamat sa pagtitiwala mo sa akin tungkol sa problema mo. Karaniwan nang nangyayari ang ganyang sitwasyon na dinaranas mo sa kasalukuyan. Kapag nagkakasakit na ang mga nakatatanda, nag-asawa na ang ating mga anak at nagkaroon na ng mga supling, hindi na nila makakayanang alalayan pa ang kanilang mga magulang. At siyempre, sasama ang loob nila kapag hindi naasikaso ng anak, na sa akala niya ay magiging gabay niya sa pagtanda ay hindi naman pala.
Kaya ang ginagawa ng iba, lalo na ‘yung mga maykaya o mayayaman ay bumibili ng sarili nilang bahay upang doon gugulin ang katandaan. Kumukuha na lang sila ng alalay kaysa umasa sa kanilang anak.
Kung nahihirapan ka sa kalagayan mo ngayon sa piling ng iyong anak at mga apo, kung ano ang makakaluwag sa kalooban mo, ‘yun ang gawin mo. Tumatanda ka na at nangangailangan ng pagkalinga at ilang panahon na lang ay lilisan na rin sa mundo. Gawin mo na ang lahat ng magpapasaya sa iyo.
May sarili ka naman palang bahay sa probinsiya n’yo. Tama ang balak mo na roon na tumira para hindi maging abala at makadagdag pa sa aalagaan ng anak mo. Mamuhay ka nang maayos doon, walang bigat sa kalooban at natitiyak ko na aalalayan ka ng Diyos Amang nasa langit. Gagaling ka at hahaba pa ang buhay mo nang hindi makakabigat sa anak mo. Ipagdasal mo na lang na iligtas sa kapahamakan ang anak at mga apo mo, makayanan ang buhay nila kahit wala ka roon na inaasahan ng manugang mo na kanilang makakasama habang siya ay nasa malayo.
Iwasan mong mamroblema at ipanatag ang iyong isip. Pahinga ng katawan at isipan ang dapat mong gawin ngayon para tuluyan kang gumaling at ma-enjoy pa ang buhay.
Pagpalain ka nawa ng Dios Amang makapangyarihan at bigyan pa ng mahabang buhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Commenti