ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 4, 2024

Additional feather in the cap para kay Mayor Francis Zamora kung mapabilang ang San Juan City (SJC) at tawaging "City of the Stars".
Kaya nabanggit ito nang magtanong na ang editor namin dito sa BULGAR na si Ateng Janiz Navida ay sa dahilang may mga venues sa nasabing lungsod ang pinagdarausan ng mga concerts-shows at marami ring kilalang showbiz personalities ang nakatira rito.
Ang sarap pakinggan ng tawa ni Mayor Francis dahil mukhang first time niyang narinig ito.
“I’m flattered of what you did mention. Kami naman po ay napagkatiwalaan ng aming mamamayan na maglingkod at naniniwala naman po ako na sa loob ng limang taong (ako'y) mayor ay naging maayos naman po ang ating pamamalakad, lalo na po nu’ng pandemic, number one po tayo sa vaccination at isa po tayo sa mga masasabing nakabangon kaagad pagkatapos ng pandemya. At tayo rin po ang may pinakamababang crime volume sa Metro Manila kaya nga po maraming negosyong nagbubukas,” malumanay na pahayag ng ama ng San Juan City.
In fairness, ang laki ng iginanda ng mga shopping malls sa SJC, sa totoo lang. Nagkandaligaw-ligaw kami sa nakasanayang ruta kapag namamasyal kami roon dahil nga marami nang pagbabago.
Feeling namin ay nasa ibang bansa kami dahil hindi nagpahuli ang mga disenyo at arkitektura ng mga ito.
Anyway, sa bawat pagbubukas ng mga negosyo sa San Juan ay laging present si Mayor Francis bilang suporta niya sa nag-invest at isa na nga rito ang bagong clinic ni Dr. Joel Lopez, MD na Charm Age with Confidence Clinic sa lower ground floor ng Greenhills Mall nitong Miyerkules, Hulyo 31.

Dumalo rin si San Juan Vice-Mayor Angelo Agcaoili at ang kilalang showbiz personalities na sina Cory Quirino, Carmi Martin, Kata Inocencio at hosts naman sina KC Montero at Valerie Tan.
Out of sight si John Arcilla na naipit sa trabaho at si Ms. Korina Sanchez-Roxas ay hindi rin nakarating.
Maraming tsinek si Dr. Joel para sa pagtatayuan niya ng first Charm clinic niya sa Metro Manila at ang Greenhills mall ang nakita niyang perfect venue dahil opening hanggang closing hours ay napakaraming tao at sabi nga "Kapag matao, business is good."
Ang ibang branches ng Charm dito sa bansa ay nasa San Fernando, La Union at sa Amerika naman ang isa pa na ang kilalang Hollywood actor na si Channing Tatum ang endorser. Sina Mark Rivera, Pinky Webb, Cheryl Cosim bukod pa kina Korina at John ang local celebrities na endorsers ng Charm.
Ang ibig sabihin ng CHARM ay Center for Healthy Aging and Regenerative Medicine.
“We are dedicated to helping you embrace the beauty of healthy aging and regenerative medicine. Our approach combines the art of aesthetic enhancement with the science of rejuvenation,” pahayag ni Dr. Joel Lopez.
Samantala, going back to Mayor Francis Zamora, nilinaw nga nito sa panayam sa kanya ng entertainment press ang napabalitang ang anak niyang si Amanda Zamora ang bagong girlfriend ni Daniel Padilla.
Nag-viral kasi sa social media ang photos at video nina Daniel at Amanda habang naglalakad sa isang mall na magkaakbay pa.
Inamin ni Mayor Francis na matalik niyang kaibigan si Daniel at kasosyo rin sa negosyo simula nu'ng 2017 pa.
Pero diretsahan na raw niyang sinasabi na hindi boyfriend ng anak si Daniel at never pa raw nagkaroon ng karelasyon si Amanda.
Sa pag-aaral daw abroad naka-focus ang atensiyon ngayon ni Amanda at hindi rin daw ito close kay Daniel para ma-link ang dalawa.
Naniniwala si Mayor Zamora na posibleng in-edit lang o na-AI (artificial intelligence) na ang naturang photos at videos nina Daniel at Amanda.
Nang tanungin siya kung posible bang manligaw si Daniel kay Amanda dahil pareho namang single ang dalawa ngayon, aniya ay hindi niya nakikita ang bagay na ito dahil alam daw niyang focused ngayon ang aktor sa kanyang mga negosyo.
Hindi na rin daw niya binanggit kay Daniel ang issue dahil alam naman niyang hindi totoo at 'di na kailangang palakihin pa.
Kommentarer